Alam ba Ninyo? (Isyu 3) – Atty. Vitaliano Aguirre

NA MERON DIN TAYONG “BIDDING-BIDDINGAN” KATULAD NG MAKATI; HUMINGI NG P2.0 MILYON PISO BILANG PAUNANG SUHOL PARA ANG PABORITONG KONTRATISTA ANG PAPANALUNIN NG BIDS AND AWARDS COMMITTEE (BAC) SA “BIDDING-BIDDINGAN”

Vitaliano Aguirre

NA MAGPAHANGGANG NGAYON AY HINDI PA INAALIS NI MAYOR ANG KANYANG KAPATID NA EXECUTIVE ASSISTANT NA NAPATUNAYAN NG CIVIL SERVICE COMMISSION NA NANDAYA SA PAGKUHA NG KANYANG CIVIL SERVICE ELIGIBILITY?

Ano kaya ang gagawin ni Mayor Ojeda sa kanyang kapatid na Gilbert (Bert) sa harap ng Desisyon ang Civil Service Commission (CSC) na siya ay dapat nang tanggalin sa trabaho sa gobyerno dahilan sa siya ay napatunayan ng CSC na nagkasala ng “Falsification of Official Documents, Serious Dishonesty, Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service and the penalty of DISMISSAL FROM THE SERVICE with ALL ACCESSORY PENALTIES, to wit: 1) cancellation of eligibility; 2) forfeiture of retirement benefits except accrued leave credits; 3) perpetual disqualification from holding public office; and d) bar from taking Civil Service examinations.”

Nagmamatigas si Mayor na hindi niya tatanggalin ang kanyang kapatid at patuloy niya itong pasasahurin ng kanyang sweldo kahit tinanggihan na ng Civil Service Commission ang Motion for Reconsideration ni Bert noong Mayo 16, 2014. Nasaan na ang delikadesa sa ating lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor? Kung hindi ba niya kapatid si Bert ay ganito pa rin ang kanyang magiging pasiya? Talaga bang pakapalan na ng mukha ang pag-protekta sa kapatid?

Hindi pa rin kaya aalisin ni Mayor ang kanyang kapatid sa harap ng di mapapasubaliang katibayan na ang huli ay nalantad na nagre-recycle ng kanyang ‘Certificate of Appearance’ para maka-kolekta ng ‘travel allowance’? Ang ginawa po niya ay “Falsification of Public Documents”.

Hindi ba dapat na manggaling kay Bert ang kusang pagbibitiw niya sa tungkulin kung ayaw siyang pakawalan ni Mayor? Marami pa kayang mga palsipikadong ‘Certificate of Appearance’ ang ginawa ng mga ‘corrupt’ na kawani ng Munisipyo? Magsagawa kaya ng imbestigasyon si Mayor para matukoy ang mga katiwaliang talamak na sa kanyang administrasyon? O ito ba’y babalewalain o pagtatakpan na lamang? Abangan po natin ang gagawin ng magkapatid.

NA ILEGAL ANG PAGHIRANG NI MAYOR OJEDA KAY ATTY. VICTOR P. GIMENEZ BILANG ABOGADO NG MULANAY?

Hinirang ni Mayor Ojeda si Atty. Victor P. Gimenez para magrepresenta sa Munisipyo sa mga sa mga problemang legal nito. Sang-ayon sa mga dokumento, hindi kukulangin sa P180,000.00 ang naibayad na ng Munisipyo kay Atty. Gimenez. Ilegal ang pagka-appoint ni Mayor Ojeda sa kanya dahil wala siyang kinuhang kapahintulutan para magawa niya ito mula sa Office of the Solicitor General (OSG) at sa Commission on Audit (COA). Bakit kaya ang lakas ng loob ni Mayor mag-appoint ng labag sa batas samantalang napakarami namang maaari niyang mapagtanungan katulad ng Office ng Provincial Prosecutor at mga abogado niya?

Ang ibinayad kay Atty. Gimenez ay hindi na pinayagan ng COA. Sa madaling salita, ito ay “disallowed” na, kaya dapat na ang perang ilegal na ibinayad kay Atty. Gimenez ay ibalik na agad sa kaban ng bayan. Ano na Mayor ang ginawa mo tungkol dito? Ibinalik na kaya ito? Iulat mo Mayor ito sa bayan kung ano na ang nangyari sa ilegal na pagbayad mo sa abogado. Mahalagang malaman ng mga mamamayan ito.

Saka gawin mo ang payo o rekomendasyon ng COA sa iyo tungkol dito: na dapat gamitin mo muna ang mga abogado ng gobyerno bago ka kumuha ng pribadong abogado at ito ay dapat aprobado ng OSG para makatipid at makapag-impok ang pamahalaan at mailaan ito sa mga higit na mahahalagang proyekto ng gobyerno. Maging masinop sa pagastos ng pera ng gobyerno. Hindi sa iyo iyan!

NA ILEGAL DIN ANG APPOINTMENT O PAGHIRANG NI MAYOR OJEDA KAY ANTONIO NAÑADIEGO, SB SECRETARY, BILANG MIEMBRO NG BIDS AND AWARDS COMMITTEE?

Hinirang po ni Mayor Ojeda si G. Antonio ‘Nonet’ Nañadiego, ang Kalihim ng Sangguniang Bayan ng Mulanay bilang miembro o kagawad ng Bids and Award Committee (BAC) ng Local Government ng Mulanay. Ilegal po ito dahil ang maaari lamang pong gawing member ng BAC ay dapat manggaling sa Executive Department. Si Nonet po ay Sekretaryo ng SB, ng Legislative Department, kaya ilegal ang pagkahirang sa kanya. Ang Office of the Vice Mayor at Office ng Sangguniang Bayan ay hindi kasama sa mga ‘regular offices’ sa ilalim ng Mayor, ang Local Chief Executive dahil sila ang bumubuo ng Legislative Department. Ang SB Secretary ay ‘appointee’ ng Vice Mayor na nasa ilalim ng Office of the Vice Mayor at hindi ng Local Chief Executive.

Kaya sa ilalim ng batas, dapat ibalik po ni Mayor at ni Nonet ang lahat ng mga ‘compensation’, ‘honorarium’ at iba pang bayad na tinanggap ni Sec. Nonet bilang member ng BAC ng Mulanay mula nang siya ay mahirang dahil ilegal ang kanyang appointment. Padalawang taon na po na si Sec. Nonet ay nakaupo bilang member ng BAC.

NA SI CRISPIN BURGOS ‘BODJIE’ BARIATA AY INIHABLA RAW NI MAYOR OJEDA, SEC. NANADIEGO AT PITONG MGA KONSEHAL NG LIBELO DAHIL SINABI RAW NIYA NA PINAGBIBIGYAN NG P200,000.00 BAWAT KONSEHAL NI G. DOMINGO C. GARCIA, JR., NA ITINANGGI NAMAN NG MGA KONSEHAL NA HINDI TOTOO SAPAGKAT WALA NAMAN DAW SILANG TINATANGGAP NA PERA MULA KAY G. DOMING GARCIA?

Sa sulat daw ni Bodjie Bariata sa Iglesia Ni Kristo, isinumbong daw ni Bodjie na namumulitika si G. Garcia sa Bayan ng Mulanay. Noon daw Agosto 8, 2014 binigyan daw ni G. Garcia ang marami sa mga konsehal ng P200,000.00 bawat isa. Ang sabi ng mga nagdemanda ay nasira daw ang kanilang magandang pangalan at karangalan at ang pangalan ng Sangguniang Bayan (SB) ng Mulanay dahil hindi raw ito totoo. Naipasa ng SB ang Resolusyon noong Agosto 11, 2014. Para raw pinalalabas na sila ay binigyan ng pera ni G. Garcia para ipasa ang nasabing Resolusyon ng SB na pinapangalanan ang isang gagawing parke ng bayan sa may pier sunod sa pangalan ng kanyang yumaong amang si G. Domingo Garcia, Sr. Sabi ng mga konsehal, wala raw silang tinanggap na pera mula kay G. Garcia, kaya dapat managot si Bodjie sa kanyang paninirang puri.

Nakakatawa ang demandang ito. Sa aking opinyon, walang merito at hindi matibay ang kaso. Papaano magkakaroon ng kasong libelo ay ang sinabi lang daw naman ni Bodjie, kung ito ay totoo, ay sila ay binigyan ng pera. Ano naman ang masama roon? Hindi naman niya sinabi na sila ay binayaran o sinuhulan para ipasa nila ang nabanggit na Resolusyon. Wala namang masamang sabihin na nagbigay ng pera si G. Garcia dahil palagi naman niyang ginagawa iyon. Alam ng buong bayan yan at hindi maaaring itanggi yan. Ang kataka-taka ay sinabi ng mga nagdemandang mga konsehal na hindi sila binigyan ng pera; na wala raw silang tinanggap na pera mula kay G. Doming Garcia! ANO? PAKIULIT NGA. GUSTO NINYONG PAPANIWALAIN ANG BAYAN NA WALA KAYONG TINANGGAP NA PERA GALING KAY G. GARCIA? Magpa-survey kayo sa katotohanan ng sinasabi ninyo, at malalaman ninyo kung may Mulanaying naniniwala sa inyo.

Ngunit ano ang ibig sabihin ng pagdemanda nila kay Bodjie? Bakit nagdemanda sila kahit walang merito ang kaso? Ang ibig sabihin nito ay hindi nila patatawarin ang sinumang kukontra sa kanila. Sa madaling salita, gusto nilang manakot sa mga mamamayan. Parang sinasabi nila na huwag ninyo kaming kakalabanin sapagkat kapag ginawa ninyo iyon ay may paglalagyan kayo! Gusto nilang manginig sa takot ang mga Mulanayin. Iyan po ay bunga ng pag-abuso sa kapangyarihan at maling paggamit ng salapi!

Ito po ang aking ‘unsolicited advice’ sa mga gustong maghabla. Dapat pawang katotohanan lamang ang isasalaysay ninyo lalung-lalo na kung kayo ay magdedemanda. Alalahanin ninyong kapag gumawa kayo ng affidavit, kayo ay nanunumpa sa ilalim ng batas na ang nilalaman ng salaysay ninyo ay puro totoo at walang kasinungalingang napapaloob doon. Hindi kinakailangan tayong magsinungaling kahit mayroong nagdidikta sa ating gawin yon. Alalahanin ninyo na maaari kayong balikan ng demanda ng inihabla ninyo “perjury”, o pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa, kung mapapatunayang hindi lahat totoo ang akusasyon ninyo. Kaya huwag matakot; huwag katakutan ang taong may maitim na budhi; huwag basta maging sunud-sunuran sa maling dikta ng isang tao dahilan lamang sa natatakot kayo na di na mabigyan ng pera. Bigyan natin ng respeto ang ating sarili. Higit na mahalaga ang karangalan kaysa sa salapi. Imulat ang inyong mga mata at yakapin ang katotohanan upang hindi mapahamak!

NA DAHIL SA PANGGIGIPIT NG MGA ABUSADONG DIKTADOR, NAPILITANG MAGBITIW SI GNG. PETRONILA ‘BABY’ AGUIRRE-REYES SA KANYANG PWESTO SA MUNISIPYO?

Si Baby Aguirre-Reyes (Baby) ay isang kawani ng Munisipyo ng Mulanay sa nakaraang 22 taon. Ayon kay Baby, napilitan siyang magbitiw sa kanyang tungkulin bilang ‘Executive Assistant II’ sa Office of the Mayor dahil sa panggigipit at pangha-harass ng Mayor at ng kapatid nito. Bukod sa kanila mayroon pang isang kawani ng bayan na kung hindi sa akin ay hindi magiging konsehal maraming taon na ang nakalipas. Ayaw niyang patulungan si Baby sa mga taga-Munisipyo sa pag-follow-up ng kanyang ‘separation benefits’ at ‘travelling claims’.

Ang tao nga naman! Nakadikit lamang sa kapangyarihan at nasilaw sa kinang ng salapi, nalimutan na ang mahabang pinagsamahan. Ano ang tawag ni Vic Uy sa ganitong klaseng tao? Kaibigang putik! Huwag kang dapa-dapa sa pagsipsip at pagpapapuri sa bossing mo! Tumingin ka sa pinanggalingan mo para hindi ka maligaw!

Mabuti at matapat siyang kawani ng pamahalaan at walang nagawang kamalian at katiwalian na katulad ng ginawa ng kapatid ni Mayor na si Bert. Ang tanging naging ‘kasalanan’ ni Baby ay siya ay kapatid ko, miyembro ng Pamilya Aguirre. Katulad ng ‘kasalanan’ niya ang naging ‘kasalanan’ ng isa ko pang kapatid na si Engr. Rudy Aguirre, na magpahanggang ngayon ang kanyang sabungan ay sinarahan at ayaw bigyan ng permit ni Mayor. Alam na po ng lahat ng Mulanayin na ganyan din po ang ginagawang panggigipit sa KAMHANTIK HOTEL.

Kung si Bert Ojeda po ay kapit-tuko sa pwesto na kinukunsente ng kanyang utol na Mayor, si Baby po ay mayroong delikadesa at tapang ng loob na ipinamukha kay Mayor ang mga panggigipit at mga hindi tamang ginagawa niya. Marami po ang humanga sa ipinakitang katapangan ni Baby. Isinakripisyo niya ang kanyang trabahong matagal na niyang minahal, maipaglaban lamang ang kanyang prinsipyo at karangalan!

Mababasa po ninyo ang kopya ng ‘Resignation Letter’ ni Baby.

KUNG ANO ANG DAHILAN KUNG BAKIT ANG GENERATOR SET NA PAG-AARI NG MULANAY NA DAPAT AY GINAGAMIT SA BARANGAY POBLACION 1 AY GINASTUSAN NANG NAPAKALAKI PARA MAI-AKYAT SA BUNDOK NG KAMHANTIK?

Ito ang balitang talagang literal na nanggaling sa Bundok ng Kamhantik sa Barangay Buenavista!

Noong nakaraang Marso 19, 2013, bumili ang Mulanay ng isang malaking Generator Set (Genset) with Complete Accessories/Facilities na nagkakahalaga ng P500,000.00 upang gamitin sa Munisipyo, particular sa Barangay Poblacion 1. Ito raw ay gagamitin “for the development and institutionalization of early warning system information sharing between LGUs, communities, National Agncies, and private sector”.

Dinala po ng ‘supplier’ ang Genset sa Munisipyo noong April 3, 2013. Marami po ang nagulat kung bakit ang Genset na dapat gamitin sa Barangay Poblacion 1 ay makalipas lamang ang tatlong (3) araw pagkatapos nang ito ay i-deliver, ito ay agad dinala o ipinaakyat ni Mayor Ojeda sa Bundok ng Kamhantik!

Gumastos po ang Munisipyo ng P33,300.00 bilang bayad sa tatlumpu’t pitong (37) manggagawa na binayaran ng P900.00 bawat isa sa pag-akyat nila ng Genset na inabot ng tatlong (3) araw bago ito madala sa tuktok ng Kamhantik! Parang hindi nanghihinayang si Mayor sa paggasta ng napakalaking pera ng bayan. Makikita po ninyo ang payroll ng mga nagtrabaho.

Marami po ang nagtatanong. Bakit daw po ang pagkamahal-mahal na Genset ay ipinakyat ni Mayor sa Bundok ng Kamhantik? Ano raw po ang pagagamitan ng Genset sa bundok ay wala naman kahit anong ‘operation’ ang LGU ng Mulanay doon? Sabi nila, bakit doon dadalhin ang Generator Set ay higit na kailangan ito dito sa bayan, lalung lalo na kung magkakaroon ng ‘brown out’ o mapuputulan ng kuryente? Katulad na lamang nang ang Mulanay ay hagupitin ng Bagyong Glenda, at kung ilang linggo ay walang power o kuryente ang Mulanay. Kung hindi iniakyat ang Genset sa Kamhantik, laking tulong sana nito sa operasyon ng Munisipyo! Dahil sa walang ‘generator’, nagtiis sa init at sa maliit na ‘generator’ ang mga kawani ng Mulanay. Mabuti si Mayor. Wala siya sa Mulanay kaya hindi niya nasaksihan ang paghihirap at suliranin ng mga kawani! Dahil sa napakalaki at bago ang ‘generator’, kayang-kaya sana nitong pailawan ang buong Munisipyo at bigyan ng ‘power’ na gagamitin ang mga kagamitan ng mga empleyado nito.

Ano nga ba ang dahilan at dinala ang Genset sa Bundok ng Kamhantik? Ano ba ang mayroon doon? Maraming ulit na rin akong nakaakyat sa Kamhantik nitong mga nakaraang mga ilang buwan. Wala kang makikitang operasyon sa istraktura ng Kamhantik Forest Park na iyon lamang ang maaaring idahilan para iakyat ang Genset. Wala kang maisip na paggagamitan nito.

Ang makikita mong nag-ooperate sa Bundok ng Kamhantik ay ang “radio transmitter” at ilang kagamitan ng ‘radio station’ na pag-aari ng Pamilya ni Mayor Ojeda. Napakalapit sa “radio transmitter” ng ‘radio station’ ang pinaglagyan ng Genset ng Munisipyo sa Kamhantik. MARAMI TULOY ANG HINDI MAIWASANG MAGTANONG. GINAGAMIT BA ANG GENSET SA PAG-OPERATE NG “RADIO TRANSMITTER” KAPAG NAGBA-BROWN OUT?

Makikita po ninyo ang retrato ng Genset at ng transmitter/antenna ng radio ng Pamilya ni Mayor:

Generator Set ng Transmission Tower ni Ojeda
Generator Set ng Transmission Tower ni Ojeda

Makikita sa larawan ang Transmission Tower (kaliwa) ng radyong pag-aari ng pamilya Ojeda na sa pagkakaalam ng marami ay pinatatakbo umano ng Generator Set (kanan) na binili ng lokal na pamahalaan ng Mulanay.Matatagpuan ito sa Mt. Kamhantik, Brgy. Buenavista Mulanay Quezon.

Dapat ipaliwanag ni Mayor kung bakit pinananatili niya ang Genset sa Bundok. Mayroon ba itong kabutihang nagawa o pinagamitan mula nang ito ay iakyat sa Bundok? Meron ba Mayor?

Kung wala, panahon na sigurong ibaba na ang Genset sa Munisipyo para ito ay mapakinabangan ng bayan!

NA MERON DIN TAYONG “BIDDING-BIDDINGAN” KATULAD NG MAKATI; HUMINGI NG P2.0 MILYON PISO BILANG PAUNANG SUHOL PARA ANG PABORITONG KONTRATISTA ANG PAPANALUNIN NG BIDS AND AWARDS COMMITTEE (BAC) SA “BIDDING-BIDDINGAN”

Nagpa-schedule ang Munisipyo ng Mulanay para magkaroon ng “public bidding” sa anim (6) na barangay road projects na nagkakahalaga ng P15.0 Milyon ang kabuuan.

Balitang hiningan daw ang paboritong kontratista ng P2.0 Milyon bilang paunang suhol at nagbigay naman ang huli. Dahil dito, itinakda ang araw ng “public bidding” na buong akala ng kontratista at ng “corrupt” na opisyal na binigyan ng P2.0 Milyon ay ang paboritong kontratista lamang ang solong magbi bid o “sole bidder”.

Ngunit laking gulat ng buhong nang may isang tunay na kontratista na nag-sumite ng bid para sa nasabing anim (6) na proyekto. Ang akala niya ay panamang-panama na ang kanilang pagsasabwatan na pagnakawan na naman nila ang kaban ng bayan. Hindi malaman ang kanyang gagawin? Alam ng “corrupt” na opisyal na hindi mananalo ang “favorite bidder” niya sa isang parehas o “honest to goodness bidding”. Bakit? Sapagkat napakalaki na ng lagay o suhol kaya hindi maaaring mababa ang bid niya kasi malulugi ang kontratista.

Isip nang isip ang “corrupt” na opisyal kung papaano maiiwasan ang kontratista na sumisira ng kanilang plano.

Alam niyo ba kung anong ginawa ng mga kawatan? Nang sumapit na ang araw ng “public bidding”, dumating ang tunay na bidder at handang i-sumite ang kanyang “sealed bids”. Tatlong (3) oras bago ang oras ng “bidding” ay nasa Munisipyo na siya para hintayin ang “bidding”.

Ngunit namuti na lang ang mata ng tunay na bidder sa paghihintay. Ang mga miyembro ng BAC ay walang dumating kahit isa sa kanila. Walang nangyari sa paghihintay ng tunay na bidder. Walang “public bidding” na nangyari. Kaya’t nanlulumong umalis ang tunay na bidder nang siya ay sabihang aabisuhan na lamang siya kung kailan itutuloy ang “bidding”.

Naghintay ng abiso ang tunay na bidder ngunit nagulat na lamang siya ng malaman niya na ginanap ang public bidding makalipas ang ilang araw nang hindi man lang siya inabisuhan!

Sino ang nanalo sa “bidding-biddingan”? Tama ka, ang “favorite bidder” ng “corrupt”, buhong at ganid na opisyal.

Napakalaking katiwalian ang ginawa ng mga corrupt na opisyal na ito. Ang ginawa nila ay labag sa R.A. 9184.

Abangan po ninyo ang susunod na isyu ng Balitang Kamhantik at itong katiwaliang ito ang ating pasasabugin kumpleto sa mga dokumentong magpapatunay sa kasamaan ng mataas na opisyal na ito!

Ang ganid na taong ito ay lunod na lunod na sa kapangyarihan. Milyon-milyong salapi ang umaakyat sa kanya at sa kanyang pamilya ay wala rin siyang kabusugan. Walang patawad!! Kahit daang milyong piso na ang nahuhuthot sa isang mayamang kunsintidor, ay hindi pa rin nangingiming pagsamantalahan ang kanyang bayan.

Talagang walang kasiyahan! Gusto pa ng ama na pamunuan ng anak ang Mulanay at tumakbo siya bilang Congressman!

Panginoon, maawa naman po kayo sa amin. Huwag mo pong ipahintulot na mamayani ang mga salot sa aming bayan. Bigyan Mo po kami ng lakas ng loob na labanan ang mga mapagsamantala, mga buktot at baluktot. Tapatan po Ninyo Panginoon ng inyong pagpapala at pagkandili ang kapangyarihan ng salapi ng mga taong maiitim ang budhi!!

NA PONDO NG BAYAN ANG GINAGASTOS SA PAGPAPAGAWA NG MULTI-STOREY HOUSE NG PAMILYA NG MGA KURAKOT

Kasalukuyang nagpapagawa ng bahay ang pamilya ng mataas na opisyal ng bayan. Ipinamamalita ng pamilya ang nagpopondo raw ng ‘construction’ ng malaki at mataas na bahay na ito ay si Kuya. Ngunit hindi pala ito totoo. Panlito lang pala ang pinamamalita nila! Ang nagpopondo ng pagpagawa ng bahay na ito ay ang Munisipyo ng Mulanay. Ang ilang opisina ng Munisipyo ng Mulanay ay nagre-requisition ng mga “construction materials” katulad ng daangdaang supot ng semento, bakal, pako, plywood at iba na kunwari ay gagamitin sa kagalingan-pambayan. Ngunit napag-alaman po natin na ang mga opisinang ito ay wala naman proyekto na pagagamitan ng mga ‘construction materials’ na ito at ang mga “delivery” ay sa ipinapagawang bahay inihahatid ang “construction supply” kung saan inorder ang mga ito. Syempre ang Munisipyo ang nagbabayad ng materyales ng bahay ng mga kurakot. Sino pa?

Sadyang nililito ang Mulanayin na kunwari si Kuya ang “financer” ng bahay para hindi maghinala ang mga Mulanayin na pera ng bayan ang kinukurakot sa pagpapagawa ng bahay ng mga sakim at walang kabusugan!!

Nauulit na naman po ang “history” ng “corruption” sa Mulanay. Natatandaan pa po ba ninyo ng ang bahay ng isang “corrupt” na opisyal ng DPWH ay pinturahan ng ganito: “THIS IS WHERE OUR TAXES ARE BEING SPENT!!”

Dapat lagyan din natin ng “sign board” na ganito ang “construction site” ng mga kurakot, di po ba? Di po ba angkop na angkop?!