Alam ba Ninyo? (Isyu 4) – Atty. Vitaliano Aguirre

Napakagalante ninyo Mayor na magbigay ng malalaking ‘bonus’ at ‘allowances’ para sa inyong sarili samantalang ang mga kababayan mong nagdarahop dahilan sa mga ‘illegal operations’ ng ‘illegal fishers’ at sa katakut-takot na anomalya sa ilalim ng pamamahala mo, ay halos hindi na kumakain ng tatlong beses sa isang araw!

vitaliano-aguirre

NA ANG ISANG KONSEHAL NA GUSTONG KUMANDIDATONG VICE MAYOR AY SIYA MISMO ANG KASAMA AT SUMUSUPORTA SA ‘ILLEGAL FISHING’ DITO SA ATING BAYAN?

Isang konsehal ng bayan, na kahit noong nakaraang eleksiyon pa ay matagal nang naghahangad na kumandidato bilang Vice Mayor, ang siya mismo ang nagtataguyod at nagbibigay ng kailangang-kailangan tulong sa mga malalaking ilegal na mangingisda sa ating karagatan.

Ang konsehal at mga kapamilya nito ay mayroong pag-aaring isang bangkang de motor at umaayuda sa taksay na nanggagaling at nakabase pa sa Catanauan sa kanilang iligal na panggagahasa ng yamang dagat ng karagatan ng Mulanay. Makikita ninyo ang bangkang de motor ni konsehal na nakadaong sa pier ng ating bayan na ang buong tagiliran nito ay punong-puno ng malalaki at malalakas na ilaw. Ang bangkang ito ni konsehal ang siya munang umiilaw sa ating karagatan sa kadiliman ng gabi bago sumimbada ang taksay at ubusin ang mga yaman-dagat ng karagatan ng Mulanay.

Konsehal, bakit mo nagagawa ito? Nasaan ang pangako ninyo nina Mayor na hindi ninyo papayagan ang illegal fishing sa ating karagatan? Hindi ka ba naaawa sa ating mga maliliit na mangingisda na halos wala nang makain dahil pinatay na ng mga nag-iillegal fishing na kagaya mo ang kanilang hanapbuhay? May mukha ka pa bang maipapakita sa iyong pangangampanya sa darating na eleksiyon sa mga maliliit na mangingisda na nakatira sa mga baybaying dagat ng Brgy. Yuni, Patabog, Canuep, Sagongon, Butanyog, Poblacion, Sta. Rosa, at Ajos?

Kung ang amo mong sapul na ilegalista ay mayroong isang milyong dahilan sa isang tagdilim lamang kaya pinapayagan niyang maminsala ang mga malalaking ‘illegal fishers’ na ito, ilang libong dahilan naman kaya mayroon ka at nagkaganyan ka na?

Ang sinasabi na hatian ninyo sa lahat ng mahuhuli ng taksay: 60% sa taksay at 40% kay konsehal! Napakalaki pala ng minamauma ni Konsehal! Tama ba ito konsehal?

NA ANG MGA MATATAAS NA PINUNO NG BAYAN SA PANGUNGUNA NI MAYOR AY TUMANGGAP NG SOBRANG LAKING CHRISTMAS BONUS SAMANTALANG ANG MGA HIGIT NA NANGANGAILANGANG MALIIT NA KAWANI NG PAMAHALAAN AY MUYANG LAMANG ANG INILAAN?

Totoo ba Mayor na ikaw at iba pang mga empleado ng munisipyo ay tumanggap ng P45,000.00 na napakalaking ‘Christmas Bonus’ na pinaganda sa tawag na ‘Productivity Enhancement Incentive‘ nitong nakaraang Disyembre 2014 samantalang ang mga maliliit na kawani na kung tawagin ay job order’ ay hindi man lamang nakatanggap ng kahit isang sentimo? Ang mga malilit na empleadong ito ay nagrereklamo na dahil hindi man lamang kinilala nina Mayor ang kanilang naitulong samantalang sila ang gumagawa ng mga mahihirap na trabaho katulad ng mga gawain nila sa ‘pier’, sa plaza, sa basurahan, at sa paghuhukay ng kanal ngunit hindi raw ninyo sila napapasweldo nang tama. Ang mga ‘overtime’ rin daw nila ay hindi nababayaran nang sapat. Tama ba na pagkalooban ninyo ang inyong sarili ng napakalaking halaga na hindi naman kayo karapat-dapat dahil wala naman itong basehan? Dapat sana kahit P 10,000.00 ay binigyan ninyo ng bonus ang bawat isang job order employee.

Ang total o kabuuan halaga ng PEI na ito ay P5,535,000.00! Hindi natulungan ang mga sinalanta ng bagyo ngunit mabilis pa sa alas kwatro ang paggawad ng premyo para sa kanilang sarili!

Bakit inuna ninyo Mayor ang inyong sariling bulsa na punuin ng salapi ng bayan samantalang halos wala pa ring natatanggap ang mga taong sinalanta ng Bagyong Glenda? Kung hindi pa namigay ang Provincial Government sa pangunguna ni Gov. Jayjay Suarez sa mga biktima ng nasabing bagyo, halos walang tulong na naipamahagi ang ‘local government’ ng Mulanay. Natatandaan mo ba Mayor na ikaw ay sumabay at sumama lamang kay Gov. Jayjay Suarez sa pamimigay ng ‘relief goods’ sa mga Mulanayin para akalain ng mga tao na ikaw ay namimigay din ng tulong sa kanila? Ganito rin ang nangyari nang hagupitin ang Mulanay ng Bagyong Hagupit. Kung hindi pa nagpadala ang DSWD ng mga ‘relief packages’ ay walang matatanggap na tulong ang mga kababayan mo! Pagkatapos, sobrang bilis ninyong busugin ang inyong sarili ng salapi ng bayan gayong wala naman kayong karapatang magpasasa dito.

Tinawag ninyo ang inyong ‘allowances’ na ‘Productivity Enhancement Incentive’. Ano naman ang nagawa ninyo Mayor sa ating bayan para kayo ay tumanggap nito at premyuhan ang inyong sarili? Anong ‘production’ o produkto o pag-unlad ng bayan ang ginawa ninyo na tunay na pinakinabangan ng mamamayan ng Mulanay? WALA! Sa loob ng mahigit na apat (4) na taon mula nang ikaw ay manungkulan noong 2010, anong mejora ng bayan ang maituturo mo na ipinagawa mo na ang ginamit lamang ay ang salaping nanggaling sa kaban ng Bayan ng Mulanay?

Napakagalante ninyo Mayor na magbigay ng malalaking ‘bonus’ at ‘allowances’ para sa inyong sarili samantalang ang mga kababayan mong nagdarahop dahilan sa mga ‘illegal operations’ ng ‘illegal fishers’ at sa katakut-takot na anomalya sa ilalim ng pamamahala mo, ay halos hindi na kumakain ng tatlong beses sa isang araw!

TOTOO BA NA TINANGKANG PIGILAN NG MATAAS NA OPISYAL NG BAYAN ANG MGA BARANGAY CHAIRMAN NA GUSTONG SUMALUBONG AT MAGBIGAY-PUGAY KAY GOB. JAYJAY SUAREZ AT MGA KASAMA NITO NANG SILA AY DUMALAW AT MAMIGAY NG MGA ‘RELIEF PACKAGES’ SA BARANGAY CAMBUGA?

Parang bang-aw na aso ang mataas na opisyal na ito nang kanyang pagbawalan ang mga kapanalig niyang mga kapitan ng barangay na dumalo at salubungin si Gob. Jayjay Suarez at mga kasama nito nang ang mga ito ay dumalaw sa Brgy. Cambuga noong Enero 22, 2015. Ang gusto raw ng diktador na ito ay ipahiya si Kapitan Domeng Ruedas. Ang katuwiran ng diktador na kung ito ay mabibilad kay Gob. Suarez na wala naman palang mga kaibigang Brgy. Chairman si Kapitan Domeng at iisipin ni Gob. Suarez na nasayang lamang pala ang pagdalaw niya dito. Bakit kaya galit na galit at gustong ipahiya si Kap. Domeng ng diktador na ito na kung mag-utos sa mga kapitanes ay akala mo’y kung sinong haring ang utos ay hindi mababali?

Matatandaan po ninyo na ang balwarte ni Kap. Domeng ang nagbigay ng pinakamalaking lamang sa mga kandidato ng Liberal Party. Kung hindi sa napakalaking boto na nakuha sa kanyang barangay ay sa kangkungan na naman sana pinulot ang bang-aw na pulitiko at ang marami sa mga kasamang kandidato nito. Hindi ba’t dahil sa napakalaking tulong na ibinigay ni Kap. Domeng sa diktador na ito ay dapat lamang na tumanaw ito ng napakalaking utang-na-loob at kung ikaw ay nasa tamang pag-iisip, kailanman ay hindi mo ipapahiya ang taong ito, lalo’t wala namang ginawang kasalanan ito sa iyo?

Ngunit ang taong hindi marunong tumanaw ng utang-na-loob ayon sa aking amang si dating Mayor Alfaro Aguirre ay ang pinakamasamang tao sa balat ng lupa. Talagang palaging baluktot ang kanyang katuwiran at takbo ng isipan. Matagal nang alam ito ng lahat ng Mulanayin!

Magtataka at magtatanong kayo. Ano kaya ang ikinagalit ng bangaw na pulitikong ito kay Kap. Domeng? Nagalit ang naghahari-harian kay Kap. Domeng dahil lamang sa ayaw ni Kapitan na humiwalay sa inyong abang lingkod bilang isang kaibigan! Kinagalitan si Kapitan Domeng dahil umaakyat si Kapitan sa Kamhantik Hotel kapag ito ay aking iniimbitahan, na sa mata ng diktador na ito na pagkataas-taas ang tingin sa sarili, ay isang napakalaking kasalanan! Ganyan din po ang ginawa niya kay dating Kap. Fred Ecaro na malaki rin ang naitulong sa kanya. Pinagbawalan mo si Kap. Ecaro na huwag makikipagkita sa akin at aakyat ng Kamhantik Hotel kapag inimbita ko. Nang hindi siya tumalima sa kagustuhan ng bang-aw ng pulitiko, nagalit na ito kay Kap. Ecaro. Ganun din ang ginawa niya kina dating Municipal Assessor Bebot Matabang at sa marami pang ibang kaibigan. Ganyan po kakitid ang pag-iisip ng isang taong hindi marunong tumanaw ng utang-na-loob. Ayaw kang bigyan ng karapatan na gawin ang gusto mo at pati pag-iisip mo ay gusto niyang kontrolin o pigilan.

Dahilan po sa akala ni diktador ay parang higit na matimbang ang pagkakaibigan namin ni Kap. Domeng kaysa sa kanilang pagsasamahan at hindi niya ito mapasunod sa kanyang mga utos at kagustuhan, nagselos ito na parang baklang bangaw. Inaalipusta niya si Kap. Domeng sa harapan ng kanyang mga kasamahang kapitanes at pinagsasabihan ito ng kung anu-anong hindi magagandang salita. Nalaman ito ng maraming pulitiko sa ating bayan, at ang mga ginagawa niya kay Kap. Domeng Ruedas ay nakarating kay Gob. Jayjay Suarez. Malamang na mayroong nagsumbong kay Gob. Jayjay sa hindi makatarungang pagtrato niya kay Kap. Domeng at ito ay mga kabarangay nito na hindi nakakatanggap ng mga ‘relief goods’ ng DSWD. Dahil dito, sinadya niyang dalawin ang marami sa mga taga-Cambuga para magbigay ng maraming ‘relief packages’.

Ang ginawang ito ni Gob. ay parang sampal sa umaapi kay Kap. Domeng. Tinuturuan siya ng tamang pag-uugali ni Gobernador. Pambihira ang ginawa ni Gob. Jayjay. Sa dinami-dami ng barangay sa Mulanay, isang napakalayong barangay pa ang kanyang sinadyang puntahan, isang barangay na nalaman niyang inaapi ang kapitan. Mabuhay ka po Gob. Jayjay! Mabuhay din ang mga kapitanes at ang napakaraming taong dumalo at sumalubong kay Gob. Jayjay at mga kasama niya. Ang akala ng diktador na iisa lamang si Kap. Domeng na humiwalay sa kanya. Hindi niya akalain na mga 11  kapitanes na ngayon ang iiwanan siya pagdating ng eleksiyon dahil sa diktadura at maanomalyang pamamalakad! Kasama rin pong sumalubong sina Vice Mayor Andy Baronia, Kgwd. Tinan Aguirre at Kgwd. Gina Acar. Hindi po kayo sumunod o natakot sa isang bang-aw na kung umasta ay akala mo’y kung sinong naghahari-harian! Sabi nga ng mga kapitanes na dumalo sa Cambuga sa kabila ng pagbabawal ng diktador: Bakit mo kami pagbabawalan sumalubong kay Gob? Napakatagal ka na naming hinihintay, ngunit wala ka naman at palagi mong pinagtataguan ang mga Mulanayin. Hindi ka na nagagawi sa iyong bayan at tunay na ito’y iyong pinababayaan. Wala ka ring ibinibigay na tulong sa amin at sa aming mga kabarangay sa oras nang matindi naming pangangailangan. Sunod-sunod na bagyo ang sumalanta sa amin, ngunit kay Gobernador at sa DSWD lamang kami nakatatangggap ng tulong! Noong Huwebes, binigyan din ang Munisipyo ng mga relief goods para ipamahagi sa mga nangangailangan. Ipamahagi agad ninyo at sabihing nanggaling kay Gob. Jayjay yan. Huwag ninyong aangkinin ang mga iyan.

Mabuti pa si Gobernador at nakadalaw at nagbigay na naman ng tulong sa Mulanay. Ikumpara po natin siya sa isang mataas na opisyal ng Mulanay na habang sinusulat ko ang artikulong ito ay mahigit nang isang (1) buwan mula noong Disyembre 2014 na hindi man lamang nasisilip ang kanyang bayan!

NA SINUWAY NG KANYANG MGA ALIPORES ANG UTOS NG BANG-AW NA PULITIKO NANG SILANG LAHAT AY PUMUNTA AT TUMUNTONG SA KAMHANTIK HOTEL?

Huwag kang pupunta at aakyat sa Kamhantik Hotel! Yan ang mariing utos na hindi mababali ng bang-aw na hari. Ngunit ang utos po niya ay hindi sinunod ng kanyang mga alipores.

Noong pong nakaraang Enero 19, 2015, lahat ng kanyang mga alipores ay pumunta sa Kamhantik Hotel at nakipag agawan ng pwesto sa napakaraming tao para lamang makalapit at humingi ng pera sa ating kababayan na si Richard Garcia, na noon ay nakacheck-in sa Kamhantik Hotel! Si G. Richard Garcia, na matalik na kaibigan ng yumao kong kapatid na si Fidel, ay pinalad kaya gusto niyang mag-share ng kanyang biyaya sa kanyang mga kapus-palad na mga kababayan.

Bistadong-bistado ang mga alipores ng bang-aw na pulitiko. Tahasang nilang kinalimutan at binale-wala ang utos ng hari na hindi mababali. Katulad ng kanilang amo, pagdating sa pera, mabilis pa sila sa alas kwatro! Sabagay, kanino pa nga ba sila magmamana sa kapal ng mukha at sa pagkagahaman?

NA ANG KAPATID NA BABAE NG ISANG MATAAS NA OPISYAL SA ATING BAYAN AY BUMALIK NA NGUNIT INIWANG NAKATUNGANGA ANG MARAMI NIYANG PINAGKAKAUTANGAN SA AMERIKA?

Bumalik na mula sa Amerika ang kapatid na babae ng isang mataas na opisyal ng ating bayan, kasama ang kanyang asawa, pagkatapos na magtrabaho sa San Francisco, Ca., USA bilang ‘ caregiver ‘ . Sinasabing dahil sa hirap ng buhay niya sa Amerika ay marami siyang nahiraman o nautangan, kasama na rito ang mga kamag-anak, na nagkakahalaga ng daang libong piso kung papalitan ng pera natin.

Pumunta ito sa Los Angeles, Ca., USA para makipagkita sa kanyang mga kapatid noong magpa-Pasko ngunit hindi akalain ng mga pinagkakautangan niya na hindi na ito babalik pa sa San Francisco. Sa halip, hindi na ito nagpaalam at lumipad na patungong Pilipinas na hindi binayaran ang kanyang mga utang!

Natatandaan pa ba ninyo kung sino iyong isang babaeng nakadispalko ng pera nang siya ay empleyado pang Mulanay Institute?

NA SI GILBERT OJEDA AY HINDI PA RIN NAGBIBITIW SA KANYANG PWESTO AT SA HALIP ITO AY PINABIGYAN PA NG MALAKING ‘PRODUCTIVITY ENHANCEMENT INCENTIVE’ (PEI) O “CHRISTMAS BONUS’ NA P45,000.00 NI MAYOR BAGO ITO UMALIS PAPUNTANG AMERIKA?

Tama ka kaibigan, hanggang sa kasalukuyan ay pinasu-sweldo pa rin ni Mayor ang mahal niyang kapatid kahit ito ay tinanggal na ng Civil Service Commission (CSC) sa kanyang trabaho sa pamahalaan.

Katunayan, dahil sa pirma ni Mayor nakatanggap pa si Gilbert Ojeda ng ‘Productivity Enhancement Incentive’ na P45,000.00 noong nakaraang Disyembre kahit ang status niya bilang kawani ng pamahalaan ay kinukwestiyon na ng GSIS at CSC. Ang katanungang ito ang naging dahilan kung bakit sinabon nang husto ni Mayor si HRMO Pamela Libutan. Naiinggit ba kayo sa swerte ng magkapatid na ito? Huwag kayong mainggit. Ipagdasal na lamang ninyo na sana magkaroon ng delikadesa at maliwanagan ang isip ng magkapatid na ito.

Mayor, papaano ka makakapamuno ng maayos at malinis sa iyong bayan kung nakikita ng mga kababayan mo na hindi mo kayang disiplinahin at pagsabihan ang kapatid mo? Anong halimbawa ng kalinisan ng pamamahala sa bayan ang maipapakita mo sa mga kawani ng munisipyo? Hindi ba’t kung nakikita nila na hindi maganda ang patakaran ng puno ay ganoon na rin ang kanilang tutularan? Hindi ba’t sa ginagawa mo ay maaaring isipin ng mga kababayan mo na kinokunsente mo ang mga masasamang ginagawa ng kapatid mo? Hindi ba’t ikaw din ang nag-apruba ng mga pekeng ‘travel claims’ ni Bert at ng kanyang driver at matagumpay nilang nakuha ang pekeng ‘travel expenses’ sa kaban ng bayan? (Basahin po ninyo ang kumpletong expose o pagbubunyag ng anomalyang ito sa November 2014 issue ng Balitang Kamhantik.)

Mayor, bakit hindi mo mapakawalan ang kapatid mo bilang empleyado ng pamahalaan sa harap ng katotohanang siya ay pinatatanggal na ng Civil Service Commission? Anong pambihirang katangian at talento ang itinatago ng kapatid mo? Hindi ba sinabi sa iyo ng mga abogado mo na labag sa batas ang ginagawa mo? Kinakatuwiran mong mayroon pang ‘appeal’ ang kapatid mo kaya hindi mo siya tinatanggal. Hindi mo ba alam na kahit mayroong pang ‘appeal’ ang kapatid mo, ang Decision ng Civil Service Commission ay “immediately executory” o dapat ito ay kagyat na ipatupad?

Sang-ayon sa Section 12, Rule 43 of the 1997 Rules of Civil Procedure, na siyang sumasakop sa ‘appeal’ o pagapela sa mga Desisyon ng Civil Service Commission, ang ‘appeal’ o pag-apela ni Bert ay hindi maaaring makapigil sa pagpapatupad ng pagtanggal sa kanya:

“Section 12. Effect of appeal. – The appeal shall not stay the award. judgment. final order or resolution sought to be reviewed unless the Court of Appeals shall direct otherwise upon such terms as it may deem just. (10a)”

Ayon sa binanggit na probisyon sa itaas, ang apela ay hindi makakapigil sa pagpapatupad ng utos o resolusyon ng Civil Service Commission (CSC) na inaapela, maliban na lamang kung ang Court of Appeals ay mag-uutos ng naiiba sa iniuutos ng CSC.

Sa kaso ni Bert, maaaring may apela siya, subalit walang iniuutos ang Court of Appeals na huwag ipatupad ang ipinag-uutos ng CSC na siya ay tanggalin sa pwesto.Sa madaling salita, hindi mapipigilan ng apela ni Bert ang ini-uutos nitong pagtanggal sa kanya.

May panahon ka pa Mayor na gawin ang tama. Alisin mo na ang kapatid mo at ibalik ang ilegal na ipinasahod mo dito katulad ng ginawa ninyo ni Atty. Victor Gimenez na ibinalik sa kaban ng bayan ang ilegal na allowance nito nang ito ay aming isiniwalat sa mga unang isyu ng Balitang Kamhantik, at sa huli, ito ay hindi pinayagan (disallowed) ng Commission ng Audit (COA) dahil sa ilegal na paghirang mo sa kanya bilang Legal Counsel ng Mulanay.

NA SINABON NANG HUSTO NI MAYOR SI GNG. MA. PAMELA M. LIBUTAN, HRMO III, DAHIL SA KAGUSTUHAN NIYANG SUMUNOD SA IPINAGUUTOS NG GSIS NA HUWAG NANG PASWELDUHIN ANG KAPATID NITONG SI BERT OJEDA?

Inaakusahan ni Mayor na binu-bully daw ni G. Bodjie Bariata (Bodjie) ang Local Goverment Unit ng Mulanay. Papaano kaya nangyari yon? Ano ang lakas at kapangyarihan na meron si Bodjie para ma-bully niya mga namumuno sa ating bayan?

Siguro ang tinutukoy ni Mayor ay ang ginagawa ni Bodjie na pagpuna sa mga katiwalian na talamak na talamak na sa ilalim ng pamamahala mo Mayor. Hindi iyan pambubu-bully. Dahil mahal niya ang kanyang bayan, gusto lamang niyang ituwid ang mga nakikita niyang mga baluktot na ginagawa mo bilang Mayor ng Mulanay. Huwag mong panatilihin na makitid ang iyong pag-iisip. Huwag kang sobrang insecure. Huwag mong apihin ang kapwa mo, lalo na yang mas mababa sa katayuan mo. Buksan mo ang iyong isipan para makita mo ang puna ng iyong mga kababayan at maisakatuparan ang magaganda nilang panukala.

Katulad na lamang ng ginawa mong Memo kay Gng. Ma. Pamela Libutan (Pamela). Sa kagustuhan lamang niyang linawin ang tunay na status ng iyong kapatid na si Bert Ojeda, kung siya ba ay pasweswelduhin pa o hindi na, dahil may order na ang Civil Service Commission (CSC) na siya ay tanggalin bilang empleado ng Office of the Mayor. Mayor, sa Memo mo halatang-halata na ikaw ay pikon na pikon na kay Pamela. Ang sinuman makababasa ng Memo mo ay iisipin na ikaw ang nambu-bully kay Pamela at hindi si Bodjie.

Meron na naman pong isang nagmamalasakit na taga-munisipyo (Mayor, hindi si Pamela) na nagbigay sa amin ng mga papeles ng mga sagutan ninyo ni Pamela. Dahil sa kulang ang espacio, mababasa po ninyo ang kopya ng sagot ni Pamela sa Memo ni Mayor.

Pamela Libutan p1

 

Pamela Libutan p2