Walang Katapusan ang Anomalya sa Administrasyon ni Ojeda

Nangyari po ang maanomalyang public bidding sa isang proyekto ng ating bayan na ang pangalan ay: “Supply and Delivery of Various Radio Communication Equipment and Materials for MDRRM, LGU, Mulanay, Quezon”.

Bidding-biddingan-ni-Itot

Nabulgar, Isa na namang Tiwaling ‘Bidding-Biddingan’

Walang nakikitang katapusan ang anomaliya sa ilalim ng pamunuan ni Mayor Ojeda. Mukhang may isa na namang malaking katiwalian ang nahalungkat ng Balitang Kamhantik sa tulong ng ilang kawani ng pamahalaang lokal. Sa pamamagitan po ng email na ipinadala sa akin ng isang empleado na hindi masikmura ang graft and corruption sa ating pamahalaan. Lumalabas na nagkaroon na naman ng maraming iregularidad sa proseso ng Bids and Awards Committee (BAC), isang tanggapan na nasa ilalim ng Office of the Municipal Mayor.

Nangyari po ang maanomalyang public bidding sa isang proyekto ng ating bayan na ang pangalan ay: “Supply and Delivery of Various Radio Communication Equipment and Materials for MDRRM, LGU, Mulanay, Quezon”. Naganap po ang Opening of Bids noong Marso 14, 2013 sa ganap na alas 9:00 ng umaga. Ang sole bidder po, o nag-iisang bidder ay ang Annesdel Marketing Corporation  (Annesdel). Ito ay nagsumite ng P505,685.00 na bid, na kulang lamang ng P315.00 sa P506,000.00 na approbadong budget ng nasabing proyekto. Sinasabing kapag ang bid ay halos kapantay na ng budget ng proyekto, asahan mong malamang na merong nangyayaring milagro sa bidding.

Ang mga bumubuo ng BAC na naroroon nang buksan ang bid ay sina Engr. Delio H. De Leon, ang Chairman ng BAC, at mga miyembrong sina Noel M. Erna, Marissa P. Cortez at Marina L. Panlilio. Nang suriin ng mga bumubuo ng BAC ang bid ng Annesdel, ito ay idineklarang diskwalipikado o “ineligible in some legal documents” dahil (1) kulang ang mga dokumentong legal na ibinigay nito (completed projects was {sic) less than 50% of the project to be bid), (2) Kulang din ang nilalaman o incomplete ang laman ng technical envelope (no manpower after sales/ warranty) at {3) walang authorization ang legal representative to attend the bidding. Tatlong depekto o kakulangan ang nakita ng BAC kaya ito ay sinabi nilang hindi “eligible” na sumali sa bidding.

Bukod sa mga kakulangang nabanggit, ang registration sa Philippine Government Electronics Procurement System (Philgeps) ng Annesdel ay expired na, kaya deskwalipikado ang Annesdel na sumali sa bidding. Ang Philgeps ay isang government institution na humihiling na ang lahat nang gustong mag-supply o sumali sa bidding na isinasagawa ng pamahalaan ay dapat mag-rehistro o magpatala sa Philgeps. Dahil sa mga kakulangang ito ang Annesdel ay ideneklarang disqualified sa public bidding ng proyekto. Mapapansin din ninyo na ang pumirma sa acceptance report ay isang job order employee lamang sa katauhan ni Sanny Cortez, na pinayagan naman nina Mayor at Municipal Accountant Ma. Pilar Ramos! Ang ginawang ito ng Office of the Mayor ay irregular, at dagdag na dahilan para ideklara ng BAC na may failure of bidding!

Ngunit may napakalaking milagrong nangyari. Limang (5) araw lamang matapos na pawalang-bisa ang bid ng Annesdel, binago ng BAC nang walang paliwanag ang kanilang desisyon noong March 14, 2013 na ideskwalipika ang Annesdel. Nagdeklara ang BAC noong March 19, 2013 na ang diskwalipikadong Annesdel ang milagrong nanalo sa bidding: Sinabi ng BAC na kwalipikado pala ang Annesdel!! WOW NA WOW! Nagmagic ang BAC! Binuhay ng BAC ang patay na bid ng Annesdel. Mayor, ano ang ginawa mo sa anomaliyang ito? Pinaimbestigahan mo ba? Kung oo ang sagot mo, ano ang naging resulta ng pagpaimbestiga mo? Mayroon bang naparusahan o nasabon mo man lamang? Hindi lamang po lima (5) ang dahilan kung bakit ang nanalo ay Annesdel subalit ang talagang deklaradong panalo ay hindi ang Annesdel kundi ang Rockwood Trading, na ang may-ari ay isang matalik na kaibigan ni Mayor. Paano baga iyan Mayor? Diskwalipikado ba ang Annesdel o siya ang nanalo sa bidding? Kung siya ang nananalo bakit sa bandang huli ang talagang nanalo ay ang Rockwood Trading na hindi naman sumali sa bidding? Lumalalim ang misteryo ng ginawang bidding na ginawa ninyo Mayor? Magpaliwanag ka. Naghihintay ang mga kababayan mo! Magpaliwanag ka rin Engr. de Leon sapagkat parang pahigpit nang pahigpit ang lubid sa mga leeg ninyo!!

Bakit mo pinabayaran ang Annesdel, samantalang kitang-kita mo at nagdudumilat ang mga irregularidad? Ito ba ay pinalampas mo na lamang? Ilang libong dahilan na naman kung kaya nakalusot ang katiwalaang ito? Mayron na naman bang kumita dito? Sinu-sino naman kaya ang naulingan? Kung ano ang hula mo, yon din ang hula ko!

Ganito na lamang ba tayo palagi? Hindi ba tayo magproprotesta sa kaliwa’t kanan at harap-harapang pagnanakaw sa atin ng mga ganid at buwitreng namumuno sa atin?

Gumising na po tayo sa ating pagkakatulog. Huwag nating ipagpatuloy ang pagbabalewala sa mga kasamaang nangyayari sa ating pamahalaan. Kung hindi po tayo kikilos at lalaban sa mga magnanakaw at manlilinlang, lalo pong gaganahan ang mga buwayang walang kabusugan!

Radio Communication Bid page 1 Radio Communication Bid page 2 Radio Communication Bid page 3 Radio Communication Bid page 4