Bukas na Liham mula sa Isang Tunay na Kaibigan

May KARMA,KAIBIGAN, hindi pa huli ang lahat. May panahon pa para BAGUHIN at ITAMA ang MALI. UMPISAHAN mo na ngayon!

Balintataw-ni-Juan-Clemente

Muli po isang magandang araw sa inyo mga giliw namin mambabasa ng pahayagang Balitang Kamhantik. Sana po ay naibigan n’yo ang aking unang kolum sa nakalipas namin na isyu. Sa ikalawang isyu ng pahayagang ito ay hayaan n’yo po na muli kong bigyan ng daan ang isa na naman bukas na liham na ipinadala ng isa natin kababayan na bagamat hindi binanggit ang kanyang pangalan ay tila baga may damdaming nais iparating sa kanyang kaibigan. Narito po at inyong basahin:

Kumusta ka na, KAIBIGAN? Marahil ay LIMOT mo na rin ako. Halos sabay tayong lumaki, nag-aral at nagbinata kaya HINDI maaaring hindi kita makilala ng lubos. Ikaw ang LIT Ojeda noon, isang batang mabait, masayahin at magalang. Isang magandang ehemplo ng kabataan noon. Mas sumikat ka sa pangalang TITO OJEDA, nakilala at hinangaan hindi lamang dito sa ating lalawigan kundi sa mga karatig probinsya natin at marahil sa ibang panig pa ng Pilipinas.

KAIBIGAN, ang katanyagan mo na ito ay nagamit mo upang ikaw ay manalong alkalde at PAGKATIWALAAN ng ating mga kababayan noong 1992. Napakaganda ng iyong panunungkulan noon. Napaglilingkuran at natutugunan mo ang mga pangangailangan nang ating bayan at mga mamamayan. Sa katunayan noong 1998, na huling termino mo ay wala ka ng naging kalaban. Sa bawat laban mo,KAIBIGAN, ay kasama mo AKO at ang aking PAMILYA, nananalo o natatalo ka man.

KAIBIGAN, ginawa ko ang bukas na liham na ito sapagkat ako ay labis na NAHIHIWAGAAN ngayon sa iyo. NAPAKALAKI na ng ipinagbago mo.

Alam naman ng ating mga kababayan na ikaw ang nagpalabas ng isang babasahin laban sa pinsan mo na abogado. Sa aking pag-aanalisa dito para bang napakatagal nang ikaw ay may kinikimkim na galit at pagka-inggit sa pamilya ng pinsan mo. Bakit ganoon,KAIBIGAN? Bakit kailangang isapubliko mo pa ang mga bagay na iyon? Ano ang magiging KAHALAGAHAN nito sa ating bayan? Dahil dito,KAIBIGAN, pati ang KAPATID mo ay nadadamay. Hindi ko alam na siya pala ay NANDAYA sa Civil Service Exam. KAIBIGAN, mabigat ang ginawa ng kapatid mo na hindi lamang Civil Service Commission ang DINAYA ( Iyan ay nakasulat sa diyaryo na inilabas mo,” Si UTOL, Civil Service lang ang DINAYA!”) kundi milyon-milyong mamamayan ang kanyang DINAYA dahil galing sa BUWIS ng mamamayan ang sweldong tinatanggap niya buhat noong siya ay Postmaster pa hanggang ngayon. KAIBIGAN, ang isyu ng KAPATID mo ang dapat mo sigurong aksyunan. Ang problema ng ating bayan ang dapat na bigyan mo ng pansin, ang mga isyu na itinatanong sa’yo ang dapat mo sigurong sagutin. KAIBIGAN, huwag mong ITAGO o PAGTAKPAN ang lahat sa pamamagitan ng PANGGIGIPIT at PAG-ALIPUSTA sa mga kamag-anak mo.

KAIBIGAN,bakit ang ilang problema ng bayan ay kailangang ibintang mo sa pamilya ng pinsan mo? Katulad na lamang ng tubig ng ating bayan! Hindi ba ikaw ang Mayor, bakit pumapayag ka na ganoon ang kanilang gawin? Bakit kailangang SIRAAN at MASAMAIN mo sa ating mga kababayan ang iyong pinsan na abogado? Ano ang kahalagahan nito sa ating bayan? KAIBIGAN, nasaan ngayon ang sinasabi mo na MORAL RECOVERY PROGRAM mo? Ito ba ang MORAL RECOVERY, ang itanim sa isipan at puso ng mga kabataan at mamamayan ang POOT, GALIT, INGGIT at PAGHIHIGANTI ang siyang dapat mangibabaw sa lahat ng bagay? Ang ipamulat sa kanila na dapat ang magkakamag-anak ay nag-aawayan? KAIBIGAN, iyan ba ang IIWAN mo na pamana sa mga anak at pamangkin mo? Halos lahat na ng kamag-anak mo ay LUMALAYO na sa’yo, mga KAIBIGAN at KABARKADA mo. Ang mga ito ang magiging BALARAW na KIKITIL sa mga pangarap at ambisyon mo,KAIBIGAN. Magiging PABIGAT sa pagtaas mo at nagiging dahilan ng MASAKIT na PAGBAGSAK mo.

Huwag kang magpalason sa KAMANDAG ng SALAPI at KAPANGYARIHANG tinatamasa mo ngayon. Huwag mo itong gamitin sa PAGHIHIGANTI at PAGTUGIS sa mga taong inaakala mo na kumakalaban sa’yo. Dahil dito, KAIBIGAN, ang tao na tumutulong ngayon sa’yo ay nadadamay at sinisisi ang ating mga kababayan sapagkat kung hindi dahil sa kanya ay hindi mangyayari ang lahat ng ito.

May KARMA,KAIBIGAN, hindi pa huli ang lahat. May panahon pa para BAGUHIN at ITAMA ang MALI. UMPISAHAN mo na ngayon! Alisin mo ang galit, paghihiganti at paninira sa iyong kapwa. MAGPATAWAD ka upang ikaw ay PATAWARIN. SIMULAN mo ang isang TUNAY na RECONCILIATION tungo sa PAGBABAGO upang sa ganun ay maipagmalaki at masabi na ng ating mga kababayan na ang MULANAY ay isang BAYANG MAGILIW!!!

Maraming Salamat, KAIBIGAN.

Para sa inyong komento, suhestiyon, reaksyon o kung may nais kayong iparating na hinaing at mga bukas na liham ay ipadala lamang sa balintataw_juanclemente@yahoo.com at iyan ay bibigyan namin ng daan sa kolum na ito.