Doon po sa Amin

Masarap pakinggan, matatamis na talinghaga
Tila sa paghanay-hanay, namumutawi sa dila
Para talagang totoo, at nakakamangha
Pag tumanim sa isip mo’y, hindi agad mawawala

Doon po sa Amin

i
Masarap pakinggan, matatamis na talinghaga
Tila sa paghanay-hanay, namumutawi sa dila
Para talagang totoo, at nakakamangha
Pag tumanim sa isip mo’y, hindi agad mawawala

ii
Hindi ko malimut-limutan, ang aking naranasan
Matatamis na salitang sa amin ay binitawan
Na kami’y maglilingkod, at pangakong babayaran
Trabahong pinagpaguran, pagkatalo’y biglang lumisan

iii
Ako’y hangang-hanga, sa narinig ko’t nakita
Mga fireworks display, na akala mo’y sa Maynila
Daang libo raw ang halaga, na ibinigay daw yata
Kung sana’y sa maralita, meron sanang nahita

iv
Dito daw sa Mulanay, ay maraming isda
Bakit mangingisda, ay walang makuha
Malalaking palakaya, sila ay tuwang-tuwa
Hindi naman hinuhuli, may porsyento pa yata

v
Pumunta ka sa palengke, magtanong ka muna
Magkano ba ang isda, na medyo sariwa
Magugulat ka at di ka maniniwala
Ang mabibili mong mura, lambot na at bilasa

vi
Mga tindera ng isda, unti-unting nawawala
Hinuhuli ng pulis, paninda’y kinukuha
Pagkaing isusubo’y kinuha pa sa kapwa
Yan ang utos aniya sa kanila pero
ipinapapasan sa iba

vii
Yaong magsasaka’y wala na ring magawa
Mataas pa ang araw, agad ng bumababa
Alisto sa tuwina, at lingon kabi-kabila
Sa takot na naroon, di mahuling mananaga

viii
Kawawang Mulanayin, tiis lang sa gulayin
Patakam-takam na lang, sa masarap na pagkain
Kung may hanapbuhay sana, ay hindi daranasin
Makaranas ng gutom, at walang makain

ix
Sa bawat laban mo, ako’y lagi mong kasama
Kapag tinalo ka, ako din ay nagdurusa
Kapag panalo ka, ako rin ay masaya
Ipinagbubunyi ka’t, ipinagmamalaki pa

x
Pero bakit ngayon, ako ay nagising na
Sa mga nangyari, at mangyayari pa
Sa maruming pulitika, na dulot ng pera
Kaunting karapatan mo’y, bibilihin pa nila

xi
Mga kababayan ko, mamulat na rin sana
Ating karapatan, huwag ng ibenta pa
Tanggapin niyo pera, iboto ang kursunada
Iyong walang alinlangan, at tayo’y maligaya

xii
Nakikita niyo ba, ang nakikita ko?
Naggagandahang brgy. hall, at kung ano-ano
Pero alam niyo ba, kung san galing ito
Nakalimbag sa pader, at mababasa mo

xiii
Nasaan na ang dapat, na sana’y progreso
‘Yong sariling pondo, para sa proyekto
Mga biyayang dapat, pakinabangan ng tao
Ipagkaloob ng parehas, at walang talo-talo

xiv
Napakaswerte daw ng bayan ng Mulanay
Dahil sa proyekto ay merong nagbibigay
Ano kaya ang kapalit, sa tulong na lumalapit
Hindi kaya sa huli, tayo ang maiipit?

xv
Kapag nawawala ka, iyan ay alam mo ba?
Mga alipores mo, kung saan pumupunta
Martes, Huwebes, Biyernes at minsa’y isang linggo pa
nandoon sa sabungan, sa bayan ng Catanauan

xvi
Sayang naman ang pera kung saan lang napunta
Paggastos sa kwarta, di nila alintana
Kahit di magtrabaho ay susuweldo sila
Kinsenas, katapusan at may mga bonus pa

xvii
Kaya ko ginawa itong aking tula
Upang ihatid sa kapuwa, mga mali nilang gawa
Ang nanunungkulan dito sa ating bansa
Kapag eleksiyon lang, saka mo makikita

xviii
Ako’y nananalangin, sa dakilang ama natin
Na sana’y gisingin, natutulog na damdamin
Mga Mulanayin, kailan pa tayo gigising?
Kapag huli na ang lahat? doon po sa amin