Karapatan at Boto, Huwag Ipagpalit sa Salapi

Ang sabi ng mga Mulanayin eh ano? Anong napala mo sa kahambugan mo ba’t di ka na makasagot… at bakit hanggang ngayon ay di mo pa rin sinasagot ang tanong ng mga taga Mulanay?

Piliing mabuti ang karapat-dapat na mamuno sa ating bayan

Tila napipilan at di na sumagot sa mga tanong ng Mulanayin ang nasa balita na lumabas at ipinakalat sa Bayan ng Mulanay sa pekeng pahayagan na NASA BALITA na may petsa Hunyo 28, 2014, na ang laman ay pagtutuligsa at paninira kay Atty. Aguirre – ng ito ay sagutin mismo ni Atty. Aguirre at ng ilang mga taong kinaladkad ang pangalan ng pekeng pahayagan na NASA BALITA. Di sukat akalain ng nagsulat na sasagot mismo si Atty. at ilang personalidad na nadawit ang pangalan na ginamit para idiin si Atty. tulad ni dating Kapitan Fred Icaro na mismong pinabulaanan ang sinasabing nagbayad siya kay Atty ng malaking halaga ng hawakan nito ang kaso ng kabarangay niya na inilapit kay Atty. para humingi ng payong legal. Bilang katunayan/ katotohanan ay pinirmahan pa ni Ex- Kapt. Icaro ang kanyang salaysay sa diyaryong Balitang KAMHANTIK noong nakalipas na Agosto. Pirmado din si Rainier B. Aguirre, anak ni Mercy Bocobo na idinawit din laban kay Atty. sa kanyang pagpapabulaan sa paninira kay Atty. Aguirre.

Maliwanag mga kababayan na ang lahat ay pawang kabulaanan at paninira lamang, fabricated ang di umano’y mga ebidensiya. Maliwanag pa rin sa sikat ng araw na ang ginagawang pag-akusa ay walang katotohanan at ito ay ginawang idyaryo para pagtakpan ang kahinaan sa panunungkulan – ayaw mapag-usapan ng taong bayan ang administrasyong palpak, na puro propaganda at iniligaw at ibinaling (gusto lamang ibaling ang isyu) kay Atty. na ginamit/gumamit pa ng pekeng dyaryo. Nawala nga naman ang isyu sa kung ano ang nagawa ng nanunungkulan at nabaling kay Atty. Ang galing, di ba? Pero palpak ka, kuya.

Ang sabi ng mga Mulanayin eh ano? Anong napala mo sa kahambugan mo ba’t di ka na makasagot… at bakit hanggang ngayon ay di mo pa rin sinasagot ang tanong ng mga taga Mulanay?

Tulad ng pag-ako sa ginawang proyekto ng nalakipas na administrasyon, tubig na dati’y 50 piso ngayon ay mahigit 200 piso na. Pangako na mamamalagi na sa Mulanay, pagtaas ng buwis na nagpapahirap sa mga negosyante, pwersahang paniningil ng buwis na napakataas sa mga ari-ariang lupain, niyugan wala namang produkto dahil nasira ng bagyo, saging na wala na rin. Sana ang mga problemang ito ng taumbayan ang bigyan ng solusyon. Wala na ngang makain o hindi makakain ng 3 beses sa isang araw eh ang taas pa ng mga bayarin sa buwis. Paano na ang taumbayan na umaasa lang sa paguuling na bawal pa? Ang karagatan na sinasandalan at pinagkukunan ng kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda eh inagawaan pa ng mga pangulong na harapharapang sumisimbada nang labag sa ipinag-uutos ng Republic Act 8550 o mas kilala sa Batas Pangisdaan. Sa ilalim ng batas ay bawal ang pangulong sa layong 15 kilometro mula sa tabi/dalampasigan. . . . Tanong ng mga taga 10 coastal barangay, sino ang nagbigay ng permiso dito? Sino ang mga kumikita sa bawat simbada ng pangulong? Sino ang nagkakamal ng 30 porsyento mula sa pangulong? Ano ang gingawa ng SB Members, Vice Mayor at Mayor na pinagkatiwalaan ng mga tao. Gumising kayo 10 coastal barangay, gising BFARMC, Bantay Dagat, NGO’s ng Mulanay, mga organisasyon ng Mulanayin! Gising 28 barangay ng Mulanay! Wag nating tingnan ang ilang tao lamang. Ang tingnan natin ay ang Bayan ng Mulanay. Ang lumalaking populasyon.. mga mamamayang naghihirap at nagugutom, mga may karamdaman at kapansanan, mga Senior Citizens na dapat parehas na makinabang sa 1 percent na share sa IRA ng bayan ng Mulanay, hindi yung pinipili lamang…FMR na sinasabing all weather road na hindi naman at sa salita at propaganda lamang…Walang All Weather Road.

Sino ang may kasalanan sa lahat ng nangyayaring ito sa ating bayan? Sino ang may kasalanan sa nararanasan nating bigat ng pagkakabuhay ngayon? Sino ang naglagay sa mga taong nasa pamahalaang bayan na akala natin ay katulong at siyang mangunguna para sa progreso ng ating bayan? Sino ang may pagkakamali?… mga tanong na ang dapat sumagot ay ang lahat ng mamamayan.

Nang dahil sa pera, inaway ang pinsan at siniraan pa ito na alam nating siya ang tumulong… at naging daan para makapanungkulang muli.. pera . . . pera . . . pera . . . Ito ang dahilan kung bakit natalo ang isang kandidato na tunay ang hangarin na paglingkuran ng taos puso ang mga kababayan at paunlarin ang kanyang (ating) bayan. Sayang mga kababayan ng kung tuwing darating ang halalan ay ang titingnan natin ay pera.. na tayong lahat na mga nagdurusa dahil sa pera. Pera ang kailangan para gumaling tayo sa ating mga karamdaman. Pera din ang gamit para makatapos ang ating mga anak sa pagaaral. Pera, at pera din ang kailangang pambili ng pagkain, damit. . . Sa lahat na yata ng kilos bawat sigundo, minuto, oras, araw, linggo, taon ay pera ang ating armas… Dumating na ang sinasabi ng mga matatanda noong unang panahon ang ating ninuno na (darating ang panahon ang diodyusin ay pera . . . ITO NA PO ‘YON). Mas sikat pa ngayon ang pera kaysa kay Jesus… sa laki ng perang kumalat sa Mulanay noong 2013 eleksyon masasabi natin na ang lahat ng nabayaran para bumoto ay tumanggap ng humigit-kumulang ISANG LIBONG PISO hanggang DALAWANG LIBONG PISO para iboto ang nagbigay. P1,000.00 o P2,000.00 pambili ng bigas, ulam sa loob ng 3 araw na konsumo ng bawat pamilya pero ang kapalit ay 3 taong buhol-buhol na hinagpis at buntong hininga…Isipin natin mga kababayan. 3 araw na may pera sa oras ng eleksyon, masaya at may pera…pero pagkatapos ng 3 araw, 1092 araw naman tayong nagsisisi, nagngingitngit, nagagalit at nanlulumo. Lalo na sa oras na kailangan mo ng tulong mula sa mga taong ating inihalal na di ka matulungan.

Dahilan – WALA SIYA, HINDI MAKITA, nasa Lucena raw, tulog daw, nasa seminar at marami pang ibang dahilan.

Yan ay nangyayari dahil sa pera.. Bayad na kayo kaya wala na rin kayo. Kahit di na tayo matulungan eh ok lang. Dahil ayon sa kanila, galit lang ngayon yan pero pagdating ng eleksyon at mabigyan uli ng pera ay ok na uli tayo at nakangiti na. Kaya mga kababayan, wala po tayong magagawa. Yan nga po ay dahil sa karisma ng pera. Bulok na sistema na kasalukuyang umiiral sa ating bayan. Maraming beses na nating naranasan eh di maganda, di maayos. Wag na naman sana nating muling ulit-ulitin. Pagtiisan natin. at kahit wala tayong pera sa loob ng 3 araw sa eleksyon ay di tayo pasisilaw sa pera.. 3 araw lang tayo mag-ayuno mga kababayan. Ibalato na natin iyon para sa kinabukasan ng ating ating bayan at mga anak. Isulat natin sa eleksiyon, o ang ating piliin ay yong tamang mga tao na siyang makatutulong natin para sa ating komunidad, iyong mauunawaan tayo at madaraingan natin. Simulan na po natin ngayong 2016 at sinisigurado ko sa inyo na may matatamo tayong asenso, katiwasayan ng loob at masaya tayong lahat . . . na Mulanayin. Ang ayon po sa kasabihan. . . ang isang tamang desisyon na tamang tao ang mailagay natin na siya nating ihahalal para mamuno sa ating bayan ay biyaya ng Diyos. Alam po ninyo mga kaibigan at mga kababayan, ang pera sa pulitika kapag mali ang gamit ay masama . . . sa pulitika kapag maling pulitiko ang inilagay natin dahil sa pera at pulitika ay masama rin. Pero pag tama ang paggamit sa pera maganda, pag tamang pulitiko ang sinamahan natin maganda at masaya tayong lahat. . . ISIP . . . ISIP. WAG GAYA-GAYA. . .
HANGGANG SA SUSUNOD NA PAGLABAS NG Balitang KAMHANTIK . .
AKO AY MULANAYIN, DILAT ANG MATA AT NAKAKAKITA NG TUNAY NA NANGYAYARI SA MULANAY.