Ang Katotohanan sa Isyu ng Radiocity

Nakapagtataka kung bakit tila gustong bilhin nina G. Garcia at Mayor Ojeda ang lahat ng radio station hindi lamang dito sa lalawigan ng Quezon kundi sa iba pang panig ng bansa.

Balintataw-ni-Juan-Clemente

Taong 2009 nang magkasundo ang Kaissar Broadcasting Network Inc. sa ilalim ng pamumuno ng presidente nito na si Engr. Cesar Llanora at ang presidente ng Southern Tagalog Sweet Life Inc. na si G. Bodjie Bariata na magtayo ng isang radio station sa Tayabas City kung saan nakilala iyon bilang Radiocity 105.3 FM.

Sa paglipas ng mga taon ay pumaimbulog at namayagpag sa himpapawid ang Radiocity 105.3 FM dahil sa magaganda’t makabuluhang hanay ng mga programa na tinatampukan ng mga batikang mamamahayag dito sa lalawigan ng Quezon. Maayos na tumatakbo ang nasabing radio station ngunit isang araw ay hindi maiwasan na mapuna at matuligsa sa isang commentary program ng dalawang announcer sina G. Domingo C. Garcia Jr. at Mayor Joselito A. Ojeda dahil sa ilang mga isyu sa bayan ng Mulanay. Marahil ay hindi nagustuhan ng mga ito ang naging pagpuna sa kanila kung kaya nagpahiwatig si G. Garcia sa pamamagitan ng ibang tao na nais niyang bilhin ang nasabing radio station.

Sa kadahilanang hindi ito ipinagbibili kung kaya nang tanungin kung magkano ang presyo na ibinigay ay 100 Milyon piso. Tila lubhang interesado talaga ang kampo ni G. Garcia na ito ay mabili kaya humirit ang mga ito sa mas malapit at totoong presyo kaya sinabi ng may-ari ng radio station na ang halaga ay 70 Milyon piso dahil hindi nga iyon ipinagbibili. Ang ginawa nila ay kinausap si Engr. Llanora dahil siya ang may-ari ng prangkisa at dahil ng mga panahong iyon ay gipit at nangangailangan ng pera si Engr. Llanora ay napapayag nila ito sa halagang P15 MILYONG PISO. Pinakiusapan ni Engr. Llanora si G. Bariata na ibenta na lamang nila dahil siya nga ay gipit na gipit at pinagbigyan naman ang pakiusap niya.

Sinamantala naman ng grupo ni G. Garcia ang pagkakataon, DISYEMBRE 16, 2013 nang magkabayaran at mabili ang Radio Station na nabanggit. DISYEMBRE 19, 2013, ala-una ng madaling araw ay pinasok ng anim na kalalahikan ang FM Station at pilit na pinabubuksan sa caretaker ang Radio Station para i-take over sa kadahilanang nabili na daw ito ni G. Garcia. Hindi pumayag si G. Bariata sapagkat hindi iyon ang napag-usapan dahil ang nakasaad sa Absolute Deed of Sale ay idi-deliver ang mga equipment na nabili nila pagkatapos na sila ay mabigyan ng Permit to Operate ng NTC (National Telecommunications Commission).

Ipinagbigay alam ng kasamahan ni G. Bariata sa mga pulis ang pangyayari at nang maipaliwanag sa kanila ang nangyari ay inimbitahan nila ang magkabilang panig sa kanilang himpilan sa Calumpang, Tayabas City para magbigay ng pahayag. Hindi na kinasuhan ang anim (6) na kalalakihan dahil sila ay nakasama na rin noon ni G. Bariata.

Ang masaklap sa pangyayaring iyon ay si G. Bariata pa ang nakademanda ng Illegal Detention at Kidnapping, ang mga kaso na ito ay No Bail o walang piyansa. SIYA NA ANG PINASOK, SIYA PA ANG NADEMANDA!

Hanggang sa kasalukuyan ay nakabinbin pa din sa NTC ang usapin at wala pa silang pinal na desisyon o inilalabas na Permit to Operate para sa Katigbak Enterprises (San Pablo City), Inc. ang operasyon ng Radiocity 105.3 FM kung kaya binili naman ng grupo nila ay ang Big Sound 97.5 FM. Setyembre 22, 2014 ng isagawa nila ang re-launching daw ng 97.5 FM at tinawag nila itong Radiocity 97.5 FM. Ang pangalang Radiocity ay pag-aari ng Southern Tagalog Sweet Life Inc. at hindi ito pag-aari ng Kaissar Broadcasting Network Inc. na siyang nagbenta ng frequency. Ilang tao na naman ang nawalan ng trabaho dahil sa ginawa ng grupo ni G. Garcia na pagbili sa Big Sound 97.5 FM.

Nakapagtataka kung bakit tila gustong bilhin nina G. Garcia at Mayor Ojeda ang lahat ng radio station hindi lamang dito sa lalawigan ng Quezon kundi sa iba pang panig ng bansa. Ayon na din sa grupo ni Mayor Ojeda ay aabot na sa 28 istayon ng radyo ang nasa ilalim ng pamamahala ng DCG Radio-TV Network. Alam kaya ito ng Bureau of Internal Revenue? Aba! Malaki-laking buwis din ito na maaaring mapakinabangan ng ating mga maralitang kababayan saan man panig ng bansa.

Eh, ano nga ba ang tunay na dahilan sa likod ng ginagawa nilang ito? Hindi kaya may kinalaman ito sa ambisyong politikal ni Mayor Ojeda at ang mga anomalyang kinasasangkutan niya ngayon? Sabagay nga naman, kung sakaling ma-monopolize nila ang industriya ng pamamahayag ay kayang-kaya nang pagtakpan ang kanilang mga maling ginagawa. Maaari din nila itong magamit para tuligsain ang kanilang mga kalaban sa pulitika.

Balikan natin ang isyu sa Radiocity.

Tulad ng aking nabanggit sa unang bahagi ng kolum na ito ay nabili ang frequency at mga equipment ng 105.3FM na pag-aari ni Eng’r. Llanora, ng grupo ni G. Garcia sa ilalim ng DCG Radio-TV Network.Ngunit malinaw sa Deed of Absolute Sale na ang tumatayong buyer o nakabili ay ang Katigbak Enterprises (San Pablo City), Inc. at hindi ang DCG Radio-TV Network.

Ang malaking katanungan, “SINO NGA BA ANG NAGMAMAY-ARI NG KATIGBAK ENTERPRISES (SAN PABLO CITY), INC.?” Base sa Deed of Absolute Sale, ang tumatayong representative at presidente (na siya rin nakapirma dito) ng Katigbak Enterprises ay si Atty. Frumencio Pulgar samantalang doon sa isinampa nilang kaso laban kay G. Bariata at ilan niyang kasamahan ay maliwanag na nakasaad doon na ang presidente ng Katigbak Enterprises ay ang anak ni Mayor Ojeda na si Jay Tito Q. Ojeda. Masyadong masalimuot, magulo at nakalilito kung sino nga ba talaga ang presidente ng Katigbak Enterprises, si Atty. Pulgar ba o si Jay Tito Ojeda?

Ngunit base sa ginawa naming pagsasaliksik at pagtatanong sa SEC (Securities and Exchange Commission) ang tumatayong presidente ng Katigbak Enterprises ay si Jay Tito Ojeda. Saan ka ba naman nakakita na ang isang korporasyon ay may dalawang presidente. Ginagawa ba ito para itago ni Mayor Ojeda ang kanyang yaman at mga ari-arian.

Sa aming pagsasaliksik, ang DCG Radio-TV Network ay hindi ito rehistrado sa SEC. Ano kaya ang gagawin ng NTC at SEC sa bagay na ito? Nasaan na kaya ang TUWID na daan nang kasalukuyang administrasyon? Hindi kaya mauwi lamang ito sa liku-liko at baku-bakong daan!

Para sa inyong komento, suhestiyon, reaksyon o kung may nais kayong iparating na hinaing ay ipadala lamang sa balintataw_juanclemente@yahoo.com at iyan ay bibigyan namin ng daan sa kolum na ito.