Sangguniang Bayan, Minadali ang Ilegal na Pagpasa ng Ordinansa sa Sabungan

Noong nakaraang Marso 10, 2014, sumulat ang Mayor sa Sangguniang Bayan upang pag-aralan at magsagawa ng review sa guidelines sa paggagawad ng prangkisa sa mga sports complex/arena, at gumawa ng ordinansa ng patakaran ukol dito.

sabong-2

Noong nakaraang Marso 10, 2014, sumulat ang Mayor sa Sangguniang Bayan upang pag-aralan at magsagawa ng review sa guidelines sa paggagawad ng prangkisa sa mga sports complex/arena, at gumawa ng ordinansa ng patakaran ukol dito. Ito ay ini-refer sa Chairman ng Committee on Games and Amusement. Sumunod na linggo, Marso 17, 2014, nakatanggap ulit ng sulat ang Sangguniang Bayan na nagsasaad ng “A Municipal Ordinance, Series of 2014, entitled “An Ordinance Prescribing and Promulgating the Rules and Regulations in Issuing Franchise and in Authorizing and Licensing for the Establishment, Operation and Maintenance of Sports Complex/Arena Intended for Different Games, Amusement Events and other Activities to Include Maintenance of Cockpit Arena and Regulating Cockfighting and Commercial Breeding of Gamecocks”.” Ito ay muling ini-refer sa chairman of Committee on Games and Amusements. Noong araw ding iyon ipinasa ang nasabing ordinansa sa unang pagbasa sa mungkahi ng Chairman ng Committee on Games and Amusement.

Marso 24, 2014, ang ordinansang nabanggit ay muling ibinalik sa mesa at ipinasa sa pangalawa at huling pagbasa. Samakatuwid, ito ay naaprobahan kahit ang sipi nito ay kabibigay lang sa mga konsehal at walang public hearing na isinagawa. Ito ay pinuna ng Presiding Officer at siya rin ay nagbigay paalala ukol sa kahalagahan ng pagsasagawa ng public hearing lalo na sa mga ordinansa. Kung kaya’t noong Abril 7, 2014, nagpaabot si Konsehala Tinan Aguirre ng kanyang opinyon sa nasabing ordinansa at pinuna ang kamalian sa proseso ng pagpasa ng nasabing ordinansa tulad ng hindi man lamang ito dumaan sa public hearing, posting at publication. Bilang tugon ng presiding officer sa ipinaabot ng konsehala, inutusan ni Vice Mayor Baronia na bigyan ng sipi ang konsehala ng ordinansang nabanggit kahit ito ay aprobado na.

Makalipas ang ilang linggo, sumulat ang may-ari ng Aguirre Sports Complex noong Abril 27, 2014 sa Sangguniang Bayan upang humingi ng sipi ng mga katitikan hinggil sa nasabing ordinansa. Subalit noong Mayo 19, 2014, laking gulat ng konsehala dahil muling ibinalik sa mesa ang nasabing ordinansa at muli itong pinapa-aprobahan sa kanila para sa huling pagbasa kahit ito ay pasado na noon pang Marso 24, 2014. Nagkaroon ng debate at palitan ng kurukuro hinggil dito sapagkat paano pa ipapasa ang isang ordinansang naipasa na. Subalit laking gulat lalo ng konsehala nang ilabas ng Sekretaryo ang bagong sipi ng katitikan ng Marso 24, 2014 dahil sa bagong siping ito, nakasaad dito na ang nasabing ordinansa ay pinapalabas nilang sa ikalawang pagbasa lamang ito ipinasa.

Ang session ng Sangguniang Bayan ay isang sagradong pagpupulong kung saan dito binabalangkas ang mga resolusyon at ordinansa o pambayang batas ng ating bayan. Subalit nakalulungkot isipin na ito ay nababahiran ng kasinungalingan tulad ng ang katitikan ay nababago nang ganun-ganun lamang kahit ito ay napagtibay na. Ang ordinansang ito ay dalawang beses na ipinasa at hindi man lamang dumaan sa tamang proseso na nasasaad sa Local Government Code of the Philippines.

Ang nakapagtataka lamang ay bakit kaya ang ordinansang nabanggit ay minamadaling ipasa? Bakit kaya kinakailangang ito madaliing ipasa sa konseho? Bakit ayaw nila itong magkaroon ng public hearing at posting? Bakit kaya nagwalk-out ang konsehala? Ano kaya ang dahilan? Kasi pinapalsipika ang ibang proseso ng Sanggunian. Alam natin na ang pagwalkout sa session ay maaaring mali, pero alin ang mas mali, ang magwalk-out sa session o magpalsipika ng dokumento? Tama ba na magpasa ng ordinansa nang hindi man lamang dumaan sa pagsisiyasat gayong may sulat ang mayor na ito ay ireview? Nasaan ang kanilang pag-aaral na ginawa? Tama ba na magpasa ng isang ordinansa nang hindi nasuri nang husto sapagkat ito ay napasakamay lamang ng mga konsehal isa hanggang dalawang oras bago ito naipasa sa pangalawa at huling pagbasa? Tama ba na magpasa ng ordinansa na hindi dumaan sa public hearing, posting at publication? Tama bang maging dahilan na kaya walang public hearing ay dahil iisang tao lamang ang makikinabang sa ordinansang ito? Iisang tao lamang ba ang mga nag-aalaga ng manok dito sa Mulanay na gusto nilang singilan ng buwis? Iisang tao lamang ba ang mga magtatari at kristo na gusto nilang patawan ng buwis?

Bawat namumuno sa ating bayan ay may obligasyong paglingkuran ang kanyang mga kababayan at ibigay ang kanilang kagalingan at hindi ang gamitin ang kanyang kapangyarihan sa panggigipit sa mga mahihina at walang kalabanlaban. Kung ang kanyang sinasabing may Superiority Complex (daw) na pamilya ay nagagawan niya ng masama at maling paratang, paano na kaya ang mga ordinaryong mga mamamayan na walang kalaban laban. Tinatakot at ginagamitan ng pwersa ang mga nasa Sanggunian upang masunod lamang ang kanyang kagustuhan. Itigil mo na ang mga buktot mong gawain. Manapa’y gamitin mo ang iyong kapangyarihan para isipin at ibigay ang kagalingan at kabutihan ng mga mamamayan, hindi para sa iyong pansariling ambisyon at hangarin. Itigil mo na ang panggigipit sa mga taong tumulong sa iyo kung kaya narating mo ang iyong kinatatayuan. Dahil sa iyong ginagawa, mga pobreng mamamayan ang nagdurusa habang ikaw naman ay nagpapakasasa!

Leave a Reply