Senadora Miriam Defensor-Santiago vs. Vitaliano Aguirre: Ang Dangal ng Isa ay Dangal ng Lahat

Kapag ang isang Pilipinong tulad ni Aguirre ay binastos, inalimura, sinabihang gago at iba pa, at nakuha pa nyang takpan ang tenga, di pambabastos ang ginawa ng Pilipinong iyon bilang tugon sa pambabastos sa kanya. Ibig sabihin lamang, nagpoprotesta sya sa kahangalang nakikita at nararanasan nya.

Pananaw ni Propesor Rolando Dela Cruz

By: Rolando Dela Cruz on Thursday, March 1, 2012 at 5:19am 2012 National Book Awardee

Professor, University of the Philippines

President/CEO Darwin International School System

The Manila Bulletin, Education Columnist

The Philippine Post, Columnist

ANG TAGISAN

Kahapon sa Impeachment Trial, nagtagisan ang dalawang karakter sa entablado ng legalidad: si Miriam Defensor-Santiago, isang senadora, at si Vitaliano Aguirre, abogado ng prosekusyon. Sa nasabing enkwentro, sinabihan ng Senadora ang abogado ng kung anu-anong masasakit na salita pati na ng salitang “gago”. Di nakatiis, tinakpan ni Aguirre ang dalawang tenga upang ipahayag na tutol sya sa ginagawa sa kanya. Dahil dito, idineklara sya ng korte na “in contempt” o nambabastos ng korte. Ibig sabihin, maaari syang magmulta ng dalawang libong piso at/o makulong ng hanggang sampung araw.

May nagsasabi na mali si Defensor, at kumalat sa Internet ang pintas sa kanyang ginawa. May nagsasabi rin na tama lang ang ginawa nya kay Aguirre dahil di nito pinagbubuti ang trabaho bilang abogado.

PANANAW

Ito ang aking pananaw:

Kapag ang isang Pilipinong tulad ni Aguirre ay binastos, inalimura, sinabihang gago at iba pa, at nakuha pa nyang takpan ang tenga, di pambabastos ang ginawa ng Pilipinong iyon bilang tugon sa pambabastos sa kanya. Ibig sabihin lamang, nagpoprotesta sya sa kahangalang nakikita at nararanasan nya. Para gawin nya iyon, di sya nagyayabang, di rin sya nagpapaawa, di rin sya nagtatanga-tangahan. Dahil ang ginawa nya ay isinubo nya ang sarili sa posibleng parusa ng Huwes at isinubo rin nya ang trabahong pinagkukunan nya ng ipakakain sa kanyang pamilya sa ano pa mang posibleng politikal na paghihiganti sa kanyang pagiging abogado.

Katangahan nga marahil para sa iba na isubo nya sa alanganin ang kanyang propesyon na pwede syang mamultahan o makulong – pero para sa akin, yun ay di katangahan. Yun ay ora-mismo at mabilis na desisyon upang itindig ang kanyang personal na dangal hindi lamang bilang Pilipino kundi bilang tao rin. Ibig sabihin, nanindigan sya na ang mali ay mali. Ibig sabihin, di nya matanggap na lisensya ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng Senadora upang sya ay bastusin. Ibig sabihin, di kaya ng konsyensya nya na dustain ang abogadong tulad nya. Ibig sabihin, di nya nanaisin na ilagay ang kahit sino pa mang Pilipino sa katayuan nya ng sandaling iyon.

MAGKANO NGA BA ANG DANGAL

Hindi nabibili ang dangal. Ito ay umuusbong lamang sa balon ng pagkatao kapag ang tao ay may galang sa sarili at sa ibang tao. Hindi rin nabibili ang tapang upang itayo ang dangal. Ang tapang na ganito ay iniluluwal lamang sa puso ng taong may pagpapahalaga sa kalinisan ng pangalan.

Sabihin man nating si Aguirre ay may mga pagkakamali bilang abogado tulad ng sabi ni Santiago, sabihin man nating siya ay kabilang sa kahinaan ng prosekusyon, hindi nito binibigyan ng pahintulot ang sinoman upang sirain ang pagkatao nya o pagkatao ng kahit sino sa harap ng bayan o sa harap ng mundo. Bilang Pilipino, mas hahangaan ko si Aguirre kung mamultahan sya ng P2000 at makulong ng sampung araw dahil sa ginawa nyang pagtatanggol sa karangalan, kaysa makita ko na ang isang Pilipinong tulad nya ay inaalimura ng isang makapangyarihang politiko.

ANG MAMATAY NG DAHIL SA IYO

Paglaban sa dangal ng pagiging malaya ang dahilan kung bakit mas ninais ni Jose Rizal na siya ay barilin ng mga Kastila sa Bagumbayan. Di nya maaatim na bawiin ang lahat ng mga puna nya sa pamahalaan nang sa ganoon ay patuloy siya na mabuhay. Para sa kanya, ang mamuhay ng walang dangal ay masahol pa sa kamatayan.

Dangal din ang dahilan kung bakit mas pipiliin ng mga ina ng mga sundalong Isparta na umuwing bangkay ang kanilang mga anak subalit nanalo sa digmaan, sa halip na umuwing buhay na talunan sa nasabing digmaan.

Dangal din ang tawag sa ipinaglaban ni Nelson Mandela na pinili pa ang makulong ng napakahabang panahon, kaysa payagang apihin ang mga itim na katulad nya ng mga mamamayang puti ang balat sa Timog Aprika.

Dangal din ang tawag sa pagkontra ni Hesukristo sa mga maling ugali at mga pagtatangkang pamamahiya sa kanya ng mga Pariseyo.

ALAALA NG BULWAGAN

Pagtanda ni Aguirre, buong kisig nyang ikukwento sa kanyang mga anak at apo na mas pinili nyang magmulta at makulong sa ginawa nya sa loob ng korte noong ika-29 ng Pebrero 2012, sa halip na lunukin ang lahat ng pambabastos na ginawa sa kanya sa bulwagang iyon.

Dangal ang tawag sa nais nyang ipamana sa kanyang mga anak – ang determinasyong ipaglaban ang isang malinis na pagkatao. Di nya maipamamana ang titulo ng isang pagiging abogado; di nya maipamamana ang maruming pangalan. Ang pinakamabuting iiwanan nya sa kanyang mga anak at apo ay pangalang iningatan: isang pangalang may dangal; isang pagkataong may dangal na di natakot sa mga kuko ng kapangyarihan.

ANG KAILANGAN NG BAYANG ITO

Marangal ang napili ni Aguirre na posisyon. Patunay lamang ito na may mga Pilipinong mas mahalaga sa kanila ang dangal kaysa ano pa mang papuri, kapangyarihan o kayamanan. Mga taong may dangal ang kailangan ng baying ito para sugpuin ang korapsyon sa pamahalaan at para umunlad at magtagumpay ang mga mamamayan – hindi mga buwitre o buwaya ng lipunan.

ISANG PAGBABADYA

Nais kong maniwala na napakahimbing ng tulog ni Aguirre nang umuwi sya sa kanyang tahanan kinagabihan – sapagkat may kapanatagan ang taong may pagpapahalaga sa dangal. At sa kanyang paggising kinaumagahan, nais kong maniwala na pagdilat ng kanyang mata at masinagan ang kanyang mukha ng liwanag ng araw, magsasalubong ang liwanag at labi niyang may ngiti – tila nagbabadya na sadyang may pag-asa ang kanyang bayan na naghahanap ng iba pang may pagpapahalaga sa dangal ng bawat Pilipino.