MULANAY: Saya at Pighati (Ang Nakakaaduwa at Papoging Opisyal)

Noon ay tahimik, malinis at mapayapa ang buong bayan ng Mulanay. Walang TAKOT o pangamba na nananahan sa puso ng bawat isang Mulanayin. Masigla ang pamumuhay at maunlad ang komersyo. Ngunit nakalulungkot isipin na sa kasalukuyang panahon ay kabaliktaran na ang mga nangyayari sa aking minamahal na bayan ng Mulanay.

Balintataw-ni-Juan-Clemente

Una ay ang aking taos-pusong pasasalamat sa patnugutan ng pahayagang ito sa pagbibigay ng pagkakataon na makapagbahagi ako ng ilang opinyon at saloobin tungkol sa mga nangyayari sa ating bayan. Sa unang isyu ng kolum kong ito ay hayaan n’yo na ibahagi at ilathala ko ang isang bukas na liham na ipinadala sa inyong lingkod ng isa nating kababayan na nagmamalasakit mula sa bayan ng Mulanay.

MULANAY – Itinuturing bilang first class sub-urban municipality at matatagpuan sa ikatlong distrito ng Lalawigan ng Quezon. Binubuo ng 28 barangay at may mahigit sa 50,000 mamamayan. Nakatutuwa kapag maririnig mo ang kuwento ng mga matatanda na ang pangalan ng bayan ng Mulanay ay hinango sa salitang Malunay na nangangahulugan na maraming ‘Lunay’ o Pili.

Sa aking edad ngayon ay napapangiti na lamang ako tuwing aking naaalala ang mga masasayang bagay, pangyayari at kaganapan sa bayan ng Mulanay mula pa sa aking pagkabata hanggang sa ako ay magkaroon na ng aking sariling pamilya. Sino baga naman ang makakalimot ng mga masasayang sandali ng nakalipas? Sino baga naman ang hindi mapapangiti kapag naaalala ang pagpi-picnic sa Kaibayo kasama ang buong pamilya o mga kaibigan? Maga-ihaw ng sariwang isda na inalako ng mga mangingisda sa tabing-dagat at siyempre hindi kumpleto ang outing pag hindi ka nakarating sa Malaking Bato sa Brgy. Sta. Rosa.

Lahat ay masaya at tila kontento sa takbo ng pamumuhay dahil na rin sa magandang pamamahala ng mga naging opisyal ng bayan tulad nang mga dating alkalde na sina Mauro Bariata, Alfaro Aguirre, Felipe Maas, Mariano Morales, ang naunang siyam na taon ( 1992- 2001) na pagiging mayor ng ngayon (2013-2016) ay alkalde ulit na si Mayor Joselito Ojeda. Tanda ko pa nga na noong huli niyang termino (1998) ay walang lumaban sa kanya at si Ex-Mayor Prudencio Maxino.

Noon ay tahimik, malinis at mapayapa ang buong bayan ng Mulanay. Walang TAKOT o pangamba na nananahan sa puso ng bawat isang Mulanayin. Masigla ang pamumuhay at maunlad ang komersyo. Ngunit nakalulungkot isipin na sa kasalukuyang panahon ay kabaliktaran na ang mga nangyayari sa aking minamahal na bayan ng Mulanay. Tanda ko pa nga na isa sa inapuntahan namin para magpicnic ay doon sa likuran ng bahay ng aking paboritong titser sa elementary na si Ms. Cardenas. Pero ito ngayon ay nabili na ng gobyerno at pinagtayuan naman ng istraktura para sa negosyo ng isang pribadong indibidwal.Ito na wari ko ang sinasabi nilang Public-Private Partnership Program daw! Eh bakit parang ilan laang ang nakikinabang at hindi ang mga mamamayan ng Mulanay?

Ngayon, mababasa mo sa mga mata at kilos ng bawat Mulanayin ang TAKOT at pangamba.Malaki na ang ipinagbago lalo na ng mga nanunungkulan dito sa aming bayan. Noon ay nagagawang matugunan ng pamahalaang lokal ang pangangailangan ng mga mamamayan lalo na ng mga maralita. Ngunit ngayon ay tila baga inapagkait ang tulong sa aming mga Mulanayin. Noon halos lahat ng mamamayan ay nakikinabang sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng mga social services, programa at proyektong pangkaunlaran. Ngayon kung asuriin mong mabuti ay ailan lamang ang nakikinabang.

Noon hindi malaking usapin ang isyu ng pulitika. Kapag natapos na ang eleksyon ay nangingibabaw pa din ang boses ng mga mamamayan. Walang inapili o inakilingan ang sinumang opisyal na nahalal. Pero ngayon wala na yata akong naririnig o nakikita maliban sa inagawang paghihiganti ng kasalukuyang namumuno dito sa Mulanay sa kanyang mga kalaban sa pulitika. Nawalan na ng boses ang taumbayan. Noon ay malinis ang larangan ng pulitika hindi tulad ngayon na inadaan sa lakas, kapangyarihan at pera.

Noon kahit ang uso pa laang ay streamer pero makakakita ka laang ng nakasabit na ganito pag may madating na bisita o importanteng tao. Ngayon nagalakihang tarpulin na may picture ng namumuno sa bayan ang makikita mo. Magkano kaya ang ginastos dun? Ay wari ko’y daang libo yun. Sana ay ibinigay na lamang nila bilang tulong sa mga maralita yung ipinagpagawa nun. Wala naman napakinabang ang mga Mulanayin sa mga tarpulin na yun ay! Ang masakit pa ay noong hagupitin ng malakas na bagyong si Glenda itong aming bayan. Hindi man laang nakita ng mga Mulanayin ang anino ng aming mayor. Samantalang sa ibang lugar ay abala at nagakandakumahog ang mga opisyales para makapagpaabot ng tulong sa kanilang mga kababayan. Ay sus dine baga sa Mulanay ay wala man laang! Ilang araw na hindi sumipot si Mayor! Ilang araw na walang daloy ng kuryente pati signal ng cellphone. Balita ko pa naman ay may binili mandin daw na generator ang munisipyo. Kamahal daw ng bili noon! Ay nasaan na at bakit hindi man laang nagamit o napakinabangan naming mga Mulanayin?

Ilang araw pa ang lumipas pagkatapos ng bagyo ni wala man laang tulong na ibinigay ang lokal na pamahalaan. Maige na laang at dumating ang tulong galing sa kapitolyo na mismong si Gobernador ang nagdala. Ay aba nakakapagtaka at biglang sumulpot ang aming mayor noong dumating si governor! Ah ah… ay kasing-abot din baya ng mga relief goods sa mga tao na para bagang sa kanya nanggaling. Sabi ngani ni Nanay Tekla, “Kakaaduwa nabaya! Nagapapogi na laang!(sabay ismid)”. Napatawa na laang baya yung mga katabi.

Sa totoo laang nakakalungkot na malaki na ngani ang nagbago sa bayan ng Mulanay. Yun nganing kapitbahay namin na si Aling Azon umagang-umaga ay nagabunganga. Narinig kong sinabi niya ay, “Kainaman na baya yang mga yan ay! Naganireklamo na walang tubig. Hindi inatulungan ng munisipyo. Ay huwag ka at pag eleksyon naman maabutan laang ng 500 o 1,000 ay tuwang-tuwa na. Kawasa at aboboto ninyo tapos ganireklamo kayo!” Sa kabilang banda ay may punto ngani naman si Aling Azon.

Inaboto ang kandidatong nagabigay ng pera tapos pag nanalo na at hindi na sila natulungan ay magagalit. Bakit pa ngani naman kayo atulungan ay binayaran na kayo noong eleksyon? Kung hindi kayo nagpabayad at ang ibinoto ninyo ay yung karapat-dapat ay baka sakaling natulungan pa kayo.

Hindi ko hangad o nais na pag-alabin ang damdamin ng aking mga kababayang Mulanayin. Aba! Sa ganang akin, ito ay sobra na. Dapat na kitang manindigan para sa ating mga karapatan. Ibalik natin ang boses ng bayan. Sama-sama nating linisin ang dungis na inadulot ng mga tiwaling opisyal at kanilang mga ksapakat dine sa ating bayan. Kung hindi tayo makilos ngay-on ay kailan pa? Kapag tuluyan na bagang nalubog sa kumunoy ng kahirapan, pagdurusa at kapighatian ang ating minamahal na bayan ng Mulanay?

Mag-isip ka, Kababayan kong Mulanayin! Eto na ang tamang panahon. Tumindig ka! Kapit-bisig nating ipaglaban at ipagtanggol ang ating karapatan!

Ang inyong nagmamalasakit na kababayan, Inofre Pedro Kodo

Para sa inyong komento, suhestiyon, reaksyon o kung may nais kayong iparating na hinaing ay ipadala lamang sa balintataw_juanclemente@yahoo.com at iyan ay bibigyan namin ng daan sa kolum na ito.