Winaldas ang Kaban ng Bayan sa Walang Kapararakang Pagpapatayo ng mga Higanteng Tarpaulin

Nagpagawa po si Mayor Ojeda ng maraming mga higanteng tarpaulin. Ang mga ito ay ang kanyang napakalaking apat (4) na ‘Larawan’, ‘Hintuturo Mo’ at ‘Bawal Magkasakit’.

Tarpaulin-Cost


Nagpagawa po si Mayor Ojeda ng maraming mga higanteng tarpaulin. Ang mga ito ay ang kanyang napakalaking apat (4) na ‘Larawan’, ‘Hintuturo Mo’ at ‘Bawal Magkasakit’. Ang sukat po ng mga tarpaulin na nakalarawan ang ating mayor na naka-barong at todo postura ay 20 ft. x 26 ft. (mga tatlong (3) beses ang taas kung ikukumpara sa monumento ni Rizal), samantalang ang labing-apat (14) na ‘Hintuturo’ at ‘Bawal Magkasakit’ ay 6 ft. x 12 ft. Nang tanungin po siya ni G. Crispin Burgos “Bodjie” Bariata sa isang opisyal na sulat na may petsang Abril 8, 2014 kung magkano ang ginastos sa mga nabanggit na higanteng tarpaulin, sinulatan po siya ni Mayor noong Abril 22, 2014 at ang sagot sa kanya ay ito: “Pero baka mahirapan ka pa, mabuti pang ibigay ko na rin ang wastong impormasyon. Napakalayo ng halagang binanggit mo na mahigit sa P200,000.00 sa aktuwal na P46,800.00 (sa printing ng tarpaulin). Ipinababatid ko na rin na ito ay mula sa pondong nakalaan sa “Public Information” at wala kaming nilabag na batas o anumang ordinansang pambayan.”

Mayor Ojeda, hindi totoo ang sinasabi mo na ang nagastos sa pagpapagawa ng mga higanteng tarpaulin mo ay P46,800.00 lamang.

Alam na alam mo na ito ay hindi totoo. Ang sagot mo kay G. Bariata ay isang malaking kasinungalingan! Ang aktuwal na binayaran ng Munisipyo ng Mulanay sa pagpa-imprenta ng mga higanteng tarpaulin ay P63,145.00. Inilathala po natin sa pangatlong isyu ng Balitang KAMHANTIK ang ‘Purchase Order’ dated January 16, 2014 na pirmado ni Mayor Ojeda na nagpapatunay na ang aktuwal na binayaran ng Munisipyo ng Mulanay sa supplier ay P63,145.00 at hindi lamang P46,800.00 tulad ng sabi ni Mayor! Naarawan ka na naman Mayor!

Bukod po sa nabilad na naman ang kasinungalinan ni Mayor, marami pa pong kahinahinala o kwestiyonableng nangyari sa transaksiyon na ito.

Una, ang pagpapagawa po ng mga higanteng tarpaulin ay hindi dumaan sa “public bidding” katulad ng iniuutos ng R.A. 9184. Ayon sa nasabing batas, R.A. 9184, ang mga ganitong malalaking proyekto at kagastusan ng bayan ay dapat idaan sa “public bidding” para maiwasan ang pagnanakaw sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng pagkukutsabahan ng mga namumuno sa bayan at ng mga supplier nito. Iniiwasan po nito ang magkaroon ng “rigged bidding” o ‘bidding-biddingan’ katulad ng sinasabi ng former Vice Mayor ng Makati City sa hearing sa Senado.

Ang sabi po ni Mayor, kaya daw po “Negotiated Procurement” ang ginawa nila sa halip na “Public Bidding” ay sapagkat dapat na madaliin ang pagpapa-imprenta ng mga tarpaulin dahil sa mahigpit na pangangailangan. Ganito po ang kanyang katuwiran kaya walang “public bidding”: “that an immediate printing is necessary due to urgency of this request wherein the information thru posting in the main areas of the municipality where the general public will be informed of the current programs;”

Nakita po nating lahat ang mga tarpaulin na ipinagawa ni Mayor. Ano po ba ang nandoon sa mga tarpaulin na ito para madaliin at hindi na makapaghintay ng ilang araw at padaanin sa ‘public bidding’ ang pagkuha at pagbili ng mga tarpaulin? Wala po, di ba? Nagpapogi lamang po ang ating mayor sa malalaking larawan niya ngunit ang ginastos ay salapi ng bayan. Ano po ang ‘urgency’ ng pagpapaimprenta ng mga tarpaulin na ‘Larawan’ niya, ‘Bawal Magkasakit’ at ‘Hintuturo’? Anong aral ang itinuro sa ating mga kababayan ng mga tarpaulin na ito? Na laitin mo ang mga taong hindi sumasamba sa iyo? Na maaari mong gamitin ang salapi ng bayan, maisakatuparan mo lamang ang iyong maling hangarin laban sa mga kalaban mo? Alam mo ba Mayor na pinagtatawanan at nilalait tayong mga Mulanayin ng mga nakakita at nakabasa sa mga tarpaulin mo? Kahit anong gawing pag-unawa nila ay hindi nila maintindihan ang mensahe mo. Nakakahiya tayo!

Ikalawa, ipinaglilihim ni Mayor ang iba pang mga malalaking nagastos sa pagpapagawa ng mga tarpauling ito. Hindi niya sinagot si G. Bariata sa katanungang kung magkano talaga ang kabuuang halaga ang ginugol dito. Hindi malayo, manapay baka lumampas pa ng P200,000.00 ang ginastos dito ng taong bayan. Bakit kamo? Dahil kinailangang magpagawa ka ng mga malalaki at matitibay na istrakturang pagkakabitan nito. Bibili ka ng mga ‘construction materials’ tulad ng kahoy, pako at iba pa. Idagdag mo pa ang ginugol para sa ‘labor’ o mga taong gumawa nito. Magkanong lahat Mayor ang ginastos ng Munispyo? Bakit ayaw mong iulat sa bayan magpahanggang ngayon?

Sa aking palagay, dahil alam ko ang matataas na halaga ng mga ‘construction materials’, mahigit pa P200,000.00 ang nagastos dito. Salapi, na winaldas ng walang kapararakan dahil ito ay higit na mabuting inilaan sa pagtulong sa ating mga mahihirap na mamamayan. Salapi, na kung hindi ginasta sa pagsunod lamang sa mga “whims and caprices” ng ilang namumuno sa ating bayan, ay nakatulong sana nang malaki sa mga napinsala ng bagyong ‘Glenda’!

Ikatlo, ang higanteng tarpaulin ng ‘Larawan ni Mayor’ ay ipinatayo sa apat (4) ng lugar: sa loob ng Liwasang Alfaro Aguirre, sa tagiliran ng pier ng Mulanay, sa loob ng Mulanay Central School at sa may ‘Crossing’ o rotunda sa Brgy. Sta Rosa. Subalit suriin ninyo ang nakalathalang “Purchase Order”. Hindi po ba na ang dami o “Quantity” ng “20 ft. x 26 ft., Tarpaulin Backdrop” ay anim (6) na “pieces” o piraso? Nasaan ang dalawa (2) pang higanteng tarpaulin? Ito po ba ay inemprenta rin? Saan ito inilagay? Apat (4) lamang na ‘Larawan’ ni Mayor Ojeda ang itinayo sa ating bayan. Alalahanin po natin na ang bawat isa nito ay nagkakahalagang P7,800.00 kaya ang halaga ng anim (6) nito ay P46,800. Dalawa (2) ang nawawala na nagkakahalaga ng P15,600.00. Nasaan ito? Ipaliwanag mo nga Mayor. Sapagkat kung walang magpapaliwanag nito, natural lamang isipin ng mga tao na kinuwarta na lamang ang P15,600.00!

Pang-apat, nasaan na ang mga tarpaulin na ito? Hindi ito nasira ng Bagyong Glenda dahil bago bumagyo ay inalis ang mga ito. Dahil kung talagang naniniwala si Mayor na maganda ang mapupulot na aral sa mga tarpauling iyon, bakit kaya di pa niya ibinabalik? Saan napunta ang napakaraming cocolumber na ginamit dito? Magkano ang ibinili sa mga ito? Hinihintay Mayor ng mga kababayan mo ang iyong kasagutan at pagpapaliwanag.